January 07, 2025

Home BALITA National

VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’

VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’
VP Sara Duterte at Pres. Bongbong Marcos (Facebook)

“Pumalag nga yung buong bayan noong pinatay ng pamilya nila si Benigno Aquino Jr…”

Sinagot ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na papalagan nito ang kaniya umanong “assassination threat” laban dito at maging kina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

Matatandaang sa isang live video nitong Lunes, Nobyembre 25, iginiit ni Marcos na hindi umano dapat pinalalampas ang banta laban sa buhay ng isang presidente.

MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'

National

Makabayan bloc, magpapameeting sa mga naghain ng impeachment complaints laban kay VP Sara

Ang tinuran ng pangulo ay bilang sagot sa naunang pahayag ni Duterte noong Sabado ng madaling araw, Nobyembre 23, kung saan sinabi nitong mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, at maging sina FL Liza at House Speaker Romualdez.

MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!

Samantala, ilang sandali matapos ang naturang pagbuwelta ni Marcos, sa panayam ng mga mamamahayag nito ring Lunes ay sinabi ni Duterte na papalagan din daw niya ang mga ginagawa sa kaniya nina Marcos. 

“Pumalag nga yung buong bayan noong pinatay ng pamilya nila si Benigno Aquino Jr.,” giit ni Duterte.

“Papalagan ko rin yung ginagawa nila sa akin,” saad pa niya.

Matatandaang si Benigno Aquino Jr., mas kilala bilang “Ninoy,” ay isang senador ng 7th Congress at hayagang kritiko ng rehimen ng ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Isa si Ninoy sa mga unang inaresto matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972.

Noong Agosto 21, 1983 nang paslangin si Ninoy sa Manila International Airport (ngayon ay Ninoy Aquino International Airport), kung saan ito ang nagpasiklab ng EDSA People Power Revolution at nagpatalsik sa mga Marcos sa Malacañang.

Samantala, base sa mga opisyal na tala, hindi pa natutukoy kung sino talaga ang pumatay kay Ninoy.