Muling binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte na “maliciously taken out of logical context” ang naging pahayag niyang mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Sinabi ito ni Duterte matapos niyang kuwestiyunin ang naging pahayag ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na kinokonsidera ng National Security Council (NSC) ang lahat ng mga banta sa buhay ng pangulo ng Pilipinas na isang usapin ng “national security” at dapat seryosohin.
MAKI-BALITA: VP Sara, sinagot pahayag ni Año na usapin ng 'national security' anumang banta kay PBBM
“I would like to see a copy of the notice of meeting with proof of service, the list of attendees, photos of the meeting, and the notarized minutes of meeting where the Council, whether present or past, resolved to consider the remarks by a Vice President against a President, maliciously taken out of logical context, as a national security concern,” ani Duterte.
Matatandaang ang naturang pahayag ni Año ay matapos isiwalat ni Duterte noong Sabado, Nobyembre 23, na huwag mag-alala ang kaniyang mga tagasuporta sa kaniyang seguridad dahil mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal kung ano ang dapat gawin kapag “namatay” siya.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Noon din namang Sabado nang maglabas ng reaksyon ang Malacañang sa naturang pahayag ni Duterte at tinawag itong “active threat” laban sa pangulo.
MAKI-BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang
Samantala, matapos ang nasabing pahayag ng Malacañang ay nilinaw ng bise presidente na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
MAKI-BALITA: 'It's a concern about my death!' VP Sara, may nilinaw sa ‘banta’ niya vs PBBM