Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang aksyong ikinakasa bilang tugon daw sa mga naging pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y plano niyang pagpapatumba kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez, kapag pinatay raw siya.
Sa press briefing na isinagawa ng nasabing mga ahensya nitong Lunes, Nobyembre 25, 2024, inihayag ni National Bureau of Investigation- Director Jaime B. Santiago na inaasikaso na raw nila ang subpoena para sa Pangalawang Pangulo.
“Ngayon po ay ginagawa na namin at ise-serve na agad immediately,” ani Santiago.
Samantala, isinaad din ni DOJ Undersecretary Jesse Hermogenes Andres na pinag-aaralan na raw nila ang umano’y posibleng malalaking kasong maaaring makaharap ni VP Sara hinggil sa mga salitang binitawan niya laban umano kina PBBM.
“Ang Bise Presidente po ay maraming posibleng maraming legal liabilities sa kaniyang ginawang mga pananalita at mga aksyong ginawa kasabay nito. Hindi po namin isinasara ang pinto sa mga malalaking kaso, ngunit ayon po sa due process kailangan pong isaganap po muna namin ang kumpletong imbestigasyon,” anang DOJ Usec.
Siniguro din ni Andres na dadaan daw sa masusing proseso ang magiging pananagutan sa batas ng Bise Presidente.
“We have to go to every possible angle, hear every testimonies, collate every testimonies given and do a forensic study that will fortify all possible cases but we assure you the full force of the law will be used in dealing with this matter,” saad ni Andres.
Matatandaang noong Nobyembre 23 nang tahasang murahin ng Bise Presidente sina PBBM, First Lady Marcos at House Speaker Romualdez matapos niyang igiit na pinag-iinitan daw siya ng mga ito kaugnay pa rin ng imbestigasyon ng Kamara sa budget ng Office of the Vice President.
KAUGNAY NA BALITA: Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’