Matapos sabihang "krung krung, baliw at wala sa tamang pag-iisip," handa raw si Vice President Sara Duterte na sumailalim sa psychological o neuropsychiatric test, at maging drug test.
Sinabi ito ng bise presidente sa isang video na inilabas nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 24, kasunod ng mga nagsasabing wala raw sa tamang pag-iisip si Duterte matapos ang mga maanghang na pahayag niya nitong mga nakaraang araw.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
KAUGNAY NA BALITA: 'It's a concern about my death!' VP Sara, may nilinaw sa ‘banta’ niya vs PBBM
"Sinabi nila ako raw ay krung krung, ako raw ay baliw, ako raw ay wala sa tamang pag-iisip, ano bang sabi ko sa inyong lahat? psychological test, neuropsychiatric test? kahit ano pang test 'yan, gagawin ko 'yan. Dagdagan ko pa ng drug test," ani Duterte.
Kasunod nito, hinamon din niya ang mga kawani ng gobyerno, partikular sa Office of the President, Office of the Vice President, Senado, at Kamara, na magpa-drug test.
"Pero dapat magpa-drug test ang lahat ng mga nagtatrabaho sa Office of the President, Office of the Vice President, sa lahat ng opisina ng Senado, sa lahat ng opisina ng House of the Representatives, sa lahat ng departamento ng ating bayan, ng ating pamahalaan," dagdag pa niya.
"'Di ba? ano pang test ang gusto ninyong idagdag ko? Wala na kayong mapuna sa akin. Pinagtatakpan ninyo ang mga kakulangan ng pamahalaan. Ako ang ginagawa ninyong punching bag para hindi napapansin, nakikita, naririnig ng mga tao ang mga kalokohan, korapsyon, at katiwalian na ginagawa sa gobyerno.
"Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taumbayan. Dalawa lang 'yan, mga kababayan. Ibigay namin ang mga pangako namin sa inyo noong nangangampanya kami at ipapakita namin sa inyo na matino kami. Magpapa-drug test kaming lahat. Simulan namin sa Office of the Vice President," segunda pa ng bise presidente.
KAUGNAY NA BALITA: Giit ni VP Sara, ginawa raw siyang 'punching bag' ng gobyerno para pagtakpan umano ang 'kalokohan' nito