November 24, 2024

Home BALITA National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara
MULA SA KALIWA: Sen. Bong Go, Sen. Imee Marcos, Pangulong Bongbong Marcos at VP Sara Duterte (Facebook; file photo)

“Kung napagsama niya noon sa UniTeam ang Marcos at Duterte nung nakaraang eleksyon, baka sana pwede siyang maging instrument for peace and reconciliation…”

Nanawagan si Senador Bong Go kay Senador Imee Marcos na muling pagkasunduin ang kapatid nitong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at itinituring din daw nitong kapatid na si Vice President Sara Duterte.

Sa isang pahayag nitong Sabado ng gabi, Nobyembre 23, umapela ni Go sa mga lider ng bansa na itigil na raw nila ang mga bangayan.

“I am appealing for reconciliation, kaya ako, bilang isang senador, ako’y umaapela sa lahat na sana po matigil na ang lahat ng bangayan. I appeal for reconciliation among our leaders. Ang kailangan ng mga Pilipino ngayon ay hindi kontrobersya, hindi away pulitika. Ang kailangan nila ay maayos na serbisyo at malasakit sa kapwa Pilipino,” ani Go.

National

Bam Aquino sa girian sa politika: 'Taumbayan na naman naiipit!'

“Nananawagan din ako sa kasamahan natin sa Senado, kay Senator Imee Marcos, na bilang kapatid ng ating Pangulo at itinuturing rin naman niyang kapatid si VP Inday Sara Duterte, kung maaari pwede siyang magpagitna para sa kaayusan ng lahat at para po sa kapakanan ng bawat Pilipino.”

“Kung napagsama niya noon sa Uniteam ang Marcos at Duterte nung nakaraang eleksyon, baka sana pwede siyang maging instrument for peace and reconciliation... Sayang po ang oras. Kaya tayo niluklok dito para magtrabaho,” dagdag niya.

Ayon pa sa senador, kinakailangan ngayon ng kapayapaan alang-alang sa bansa, sa mga lider na nais lamang magserbisyo at magtrabaho, at sa bawat Pilipinong nais lamang mabuhay nang tahimik.

“Nakikiusap po ako kay Senator Imee, you have this opportunity to play a role in unifying our divided country. Masyadong divisive po ang nangyayari sa ngayon habang marami pang Pilipino ang naghihirap,” pahayag din ni Go.

“I am appealing for reconciliation para makapagtrabaho at makapagserbisyo tayo sa ating mga kababayang Pilipino. Yun po ang inaantay ng Pilipino kung tatanungin niyo po sila. Mas maraming Pilipino ang gusto ng tahimik na buhay, gusto nila na maayos na serbisyo ang matatangap nila mula satin, mula sa gobyerno. Yun lang po ang pakiusap ko,” saad pa niya.

Samantala, nakiusap din ang senador sa mga kapwa niya mambabatas sa House of Representatives na “hinay-hinay” lamang daw sa pagpapatupad ng contempt order at igalang ang karapatan ng mga resource person sa mga pagdinig.

Noong Miyerkules, Nobyembre 20, nang isyuhan ng contempt order ang chief of staff ni Duterte na si Zuleika Lopez sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability dahil umano sa liham ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na naglalaman na huwag ilahad sa Kamara ang audit nito sa ahensya.

“Natatakot na po ang mga resource persons dahil puro naco-contempt na po sila. Imbes na maging productive ang resulta, ay hindi na po, dahil sa takot. Tandaan natin na ‘in aid of legislation’ naman po ito,” giit ni Go.

“Balikan sana natin ang mga house rules pagdating sa investigations in aid of legislation lalo na ang mga grounds for citing resource persons in contempt.  Hindi dapat ito naaabuso. Bilang isang mambabatas at mamamayang Pilipino, nakikiusap po ako: Please stop the harassment. Please be reminded that this should be in aid of legislation, not persecution,” dagdag pa niya.

Matatandaan namang matapos ang naturang pag-contempt ng Kamara kay Lopez, naglabas ng mga maaanghang na pahayag si Duterte sa isang virtual press briefing, kung saan iginiit niyang huwag mag-alala ang kaniyang mga tagasuporta sa kaniyang seguridad dahil mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!

Makalipas ang ilang oras ay nagbigay naman ng reaksyon ang Malacañang sa naturang pahayag ni Duterte at tinawag itong “active threat” laban sa pangulo.

MAKI-BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang

Samantala, nito lamang ding Sabado ng hapon nang linawin ni Duterte na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.

MAKI-BALITA: 'It's a concern about my death!' VP Sara, may nilinaw sa ‘banta’ niya vs PBBM