Nagbigay ng pahayag ang re-electionist sa pagkasenador na si Bam Aquino kaugnay sa kasalukuyang pagkakawatak-watak ng mga dating magkakampi sa politika.
Sa X post ni Aquino nitong Linggo, Nobyembre 24, sinabi niya kung sino ang higit na maaapektuhan sa pagitan ng kampo nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte, na dating magkasama sa UniTeam.
“Sa gitna ng away pulitika, taumbayan na naman ang naiipit at natatalo,” saad ni Aquino. “Hindi murahan, paninira, o bangayan ang kailangan ng mga Pilipino, kundi solusyon sa araw-araw nilang mga problema.”
Kaya sa huli, nagtanong ang dating senador, “sino ba ang tunay na kakampi ng taumbayan?”
Matatandaang kamakailan lang ay isiniwalat ng bise-presidente sa isang virtual press conference na kung sakali raw na ipapatay siya ay may tao na raw siyang binilinan upang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Ito ay matapos i-contempt ng House of Representatives ang kaniyang chief of staff na si Zuleika Lopez sa ginanap na pagdinig ng House committee on good government and public accountability dahil umano sa liham ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na naglalaman na huwag ilahad sa Kamara ang audit nito sa ahensya.
MAKI-BALITA; VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order