May nilinaw si Vice President Sara Duterte hinggil sa nauna niyang pahayag na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal at sinabihang kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.
Matatandaang sa isang virtual press conference nitong Sabado, Nobyembre 23, iginiit ni Duterte na huwag mag-alala ang kaniyang mga tagasuporta sa kaniyang seguridad dahil mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal kung ano ang dapat gawin kapag “namatay” siya.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Dahil dito, naglabas ng pahayag ang Malacañang at tinawag ang pahayag ni Duterte na “active threat” laban sa pangulo.
Nakipag-ugnayan na rin daw ang Executive Secretary sa Presidential Security Command upang aksyunan ang naturang pahayag ng bise presidente.
MAKI-BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang
Maging ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay naglabas ng pahayag hinggil sa naturang mga pahayag ni Duterte.
MAKI-BALITA: PNP chief Marbil, pinaiimbestigahan ‘assassination threat’ ni VP Sara kay PBBM
MAKI-BALITA: Matapos banta ni VP Sara kina PBBM: AFP, mananatili raw ‘loyal’ sa Konstitusyon
Samantala, sa isang panayam ng mga mamamahayag nitong Sabado ng hapon, iginiit ng bise presidente na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.
“It is a concern about my death ‘di ba? It is a concern about my murder, which is a legitimate concern. But they don’t care, maybe because, siguro nga sa kanila galing. So they don’t care. And then ngayon, I’ve expressed that concern, they would say there’s a threat to the life of the president,” giit ni Duterte.
Sinabi rin ng bise presidente na wala umano siyang dahilan upang ipapatay si PBBM at maging si FL Liza.
“Bakit ko raw siya papatayin if not for revenge from the grave?” aniya.
“There’s no reason na papatayin ko siya. Anong benefit noon sa akin? Papatayin ko si Liza, anong benefit noon sa akin? Wala. Buti sana kung tagapagmana ako ng nakaw na yaman. Hindi naman. So anong benefit non kapag nawala sila dito sa mundong ito, for them to say there’s a threat? Sa threat ko nga wala silang pakialam,” saad pa ng bise presidente.