Pinatutsadahan ni dating Senador Leila de Lima si Vice President Sara Duterte kaugnay ng naging pahayag nitong mayroon na siyang taong binilinan na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Matatandaang sa isang virtual press conference nitong Sabado, Nobyembre 23, iginiit ni Duterte na huwag mag-alala ang kaniyang mga tagasuporta sa kaniyang seguridad dahil mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal kung ano ang dapat gawin kapag “namatay” siya.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Sa isa namang X post, iginiit ni De Lima na layon lamang umano ng naturang “political drama” ng OVP na ilihis ang isyu mula sa iniimbestigahang confidential funds ng ahensya.
“What to do with a VP who openly threatens murder on a sitting President and his wife in a mega meltdown? Under ordinary circumstances, impeachment. But more than the ordinary, this is political drama staged by the OVP to divert the issue from its plunder of confidential funds,” ani De Lima.
“Kung magnakaw wagas. Kapag pinapaliwanag andaming hanash,” saad pa niya.
Samantala, matatandaang nagbigay na rin ng reaksyon ang Malacañang sa naturang pahayag ni Duterte at tinawag itong “active threat” laban sa pangulo.
Nakipag-ugnayan na rin daw ang Executive Secretary sa Presidential Security Command upang aksyunan ang naturang pahayag ng bise presidente.
MAKI-BALITA: Pahayag ni VP Sara, ‘active threat’ sa buhay ni PBBM — Malacañang
Matatandaang ang nasabing mga pahayag ni Duterte laban sa pangulo ay nangyari matapos i-contempt ng House of Representatives ang kaniyang chief of staff na si Zuleika Lopez dahil umano sa liham ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na naglalaman na huwag ilahad sa Kamara ang audit nito sa ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order