Pumalag si Executive Secretary Lucas Bersamin sa umano’y paratang ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang Malacañang daw ang nasa likod ng mga alegasyon daw sa kaniya ni dating senador Antonio Trillanes.
Sa panayam ng media kay Bersamin nitong Lunes, Nobyembre 18, 2024, tahasan niyang iginiit na “hallucinations” lang daw ang naturang pahayag ng dating pangulo matapos niyang ituro na ang Malacañang daw ang “sponsor” ni Trillanes sa pagiging kritiko nito sa kaniya.
“Alam mo mahirap na pumatol sa ganyan dahil hallucination na ‘yan. Hallucination,” anang secretary.
Matatandaang iginiit ng dating Pangulo sa kasagsagan ng Facebook live noon ni dating Presidential spokesperson Salvador Panelo na nais daw niyang sampahan ng kasong libelo si Trillanes dahil sa mga umano’y alegasyon nito sa bilyong halagang bank statement sa pamilya Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, magsasampa raw ng libel case laban kay Trillanes
Kaugnay ng naturang Facebook live, nabanggit ng dating Pangulo na hindi raw gagalaw ng kahit ano si Trillanes kung wala raw umanong pera na mula sa Palasyo.
“Itong si Trillanes, talagang Malacañang-sponsored ‘yan. Hindi gagalaw ‘yan ng ganoon. Walang pera ‘yan,” anang dating Pangulo.
Dagdag pa ni FPRRD, hindi niya rin daw alam kung bakit daw siya inaatake ng Palasyo at muling iginiit na nagtatrabaho daw si Trillanes para kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
“Nagtataka ako bakit ang Malacañang ginagawa… Wala naman kaming kasalanan sa kanila. Hindi naman ako nag-aatake kay presidente. Pero alam ko si Trillanes, nagtatrabaho kay President Marcos,” ani FPRRD.
Samantala, wala pang tugon ang kampo ng dating Presidente, hinggil sa naturang pahayag ni Bersamin.