November 16, 2024

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Kilalanin ang pinakaunang Pinoy na nakaakyat sa ‘Mt. Ama Dablam’ ng Nepal

#BalitaExclusives: Kilalanin ang pinakaunang Pinoy na nakaakyat sa ‘Mt. Ama Dablam’ ng Nepal
(Courtesy: Miguel Mapalad)

“Tulad sa buhay, hindi madali ang pag-akyat ng bundok; maraming beses na paghakbang sa matatarik na pagsubok ang kakailanganin upang sa wakas ay marating ang pinapangarap na tuktok.”

Ito ang isa sa mga baon-baon ni Miguel Mapalad sa kaniyang naging paglalakbay patungo sa pagiging pinakaunang Pilipinong nakaakyat sa isa sa mga pinakakahanga-hangang bundok sa buong mundo—ang Mt. Ama Dablam na kilala rin bilang “Matterhorn of the Himalayas,” na matatagpuan sa bansang Nepal. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Mapalad, 42-anyos mula sa San Juan City, Metro Manila, na sampung taon na niyang inasam-asam na akyatin ang Mt. Ama Dablam dahil sa napakaganda at “mala-toblerone” daw na hugis nito.

Ngunit dahil sa nakalululang 6,812 metrong taas ng bundok, dumaan muna siya sa iba’t ibang uri ng mga paghahanda at pagsubok na mas nagpatatag din sa kaniya bilang isang mountain climber.

Human-Interest

Ilan sa mga umano’y senyales ng paparating na delubyo

Ang unang hakbang sa pag-akyat 

Taong 1999 nang makilala ni Mapalad ang kagandahan ng mountain climbing. Nasa 17-anyos pa lamang siya noon nang yayain siya sa kanilang simbahan na akyatin ang Mt. Cristobal sa Quezon.

“That time, parang outing namin noon sa church, Bible study somewhere in the mountain sa Pilipinas,” pagbabahagi ni Mapalad.

“Nagustuhan ko ito kasi bukod sa physical activity, nakakapag-travel ako. So, nakakabiyahe ka, ang daming weird things, kasi laki ako sa Manila eh, so ang daming wild things, ‘yung nature, sobrang ganda. Kaya ang daming naiinlove sa outdoors.”

Mula noon, talagang gumawa na si Mapalad ng paraan para mas mapalalim pa ang kaniyang kaalaman sa mountain climbing. Nag-training siya sa mountaineering sa Pilipinas, nag-enroll ng basic mountaineering course, at nag-volunteer sa mga mountain rescue. Kasabay ng mga ito’y inisa-isa na niyang akyatin ang bawat hiking destination sa bansa.

“Halos lahat ng hiking destinations sa Pilipinas napuntahan ko na: Mt. Apo, ‘yung mga matataas, Mt. Pulag, at iba pa. Minsan gumagawa pa kami ng trails namin for hiking para iintroduce sa ibang hikers,” kuwento ni Mapalad.

Bilang isang single father, naging extra special din daw ang naging pag-akyat niya sa Mt. Pulag dahil nagawa niya ito kasama ang kaniyang nag-iisang anak at 16-anyos na si Zion.

Dahil sa mas pinalalim na pagmamahal sa mountain climbing, nagtatrabaho na rin si Mapalad ngayon bilang full-time mountain guide sa ibang bansa.

Sa gitna ng matatarik na bundok at pagsubok

Sa pagdaan ng mga taon, hindi na lamang mga bundok sa Pilipinas ang inaakyat ni Mapalad. Nakaabot na rin siya sa iba’t ibang dako ng mundo, tulad sa Africa, South America at Himalayas. 

At tulad sa ibang mga aspeto ng buhay, hindi madali ang kaniyang mga naging paglalakbay. 

Kuwento ni Mapalad, isa sa mga pagsubok na kadalasang nararanasan niya sa pag-akyat ay ang taas ng altitude ng bundok at ang tagal ng proseso para makarating sila sa “peak” o tuktok nito.

“Meron kaming process na ginagawa rito which is ‘yong acclimatization. Ang goal doon is we are going up, high altitude, and then we are sleeping down. So may proseso kaming ginagawa na aakyat kami sa next na tutulugan namin, pero hindi kami matutulog doon. Ang gagawin lang namin is aakyat lang kami doon sa altitude na iyon, then siguro mag-stop lang kami for 30 minutes to 1 hour, and then babalik na ulit kami sa baba, na tutulog kami. After that, acclimated na kami, pwede na kaming umakyat at matulog doon sa altitude na iyon. And then next level, ganoon pa rin every 600 meters. Medyo matagal ang proseso,” pagbabahagi niya.

“So, ‘yong acclimatization na ‘yon is inaabot kami ng minsan buwan para sa 6,000 meters na bundok. So ‘yon ang next na mahirap, ‘yong tagal namin sa bundok.”

Bukod dito, isa rin sa talagang pagsubok na nararanasan ng mountaineers, ani Mapalad, ay ang napakalamig na temperatura.

“Imagine, ang laging temperature namin sa bundok, ang warmest namin ay I think na 0°C, -5°C ganiyan, ‘yon ang warmest namin. And natutulog kami sa tent, gigising kami, kakain kami rito sa bundok, medyo masasarap naman ‘yong pagkain kapag expedition, pero sobrang lamig talaga. ‘Yon ang number 1 na tinitiis namin,” aniya.

Dahil sa temperatura, karaniwan daw nilang nararanasan ang pananakit ng ulo o ang tinatawag nilang “acute mountain sickness.” 

“‘Yon ‘yong lagi naming iniiwasang mangyari, kasi once na tinamaan ka ng sakit sa altitude, medyo baka hindi ka na matuloy sa pag-akyat. So talagang nag-iingat kami sa pag-climb.”

Sa kabila nito, masuwerte naman daw siya dahil hindi pa siya nakararanas ng aksidente sa pag-akyat ng bundok. Gayunpaman, ibinahagi ni Mapalad na mayroong isang pagkakataon kung saan isang kasamahan nila sa expedition ang inatake ng “frostbite.”

“I think from Europe siya na climber, na-frostbite dahil sa sobrang lamig. So, ni-rescue siya from top pagbalik sa baba ng helicopter,” saad niya. 

Kaya naman, ibayong pag-iingat at paghahanda talaga ang ginagawa nila bago umakyat ng bundok. Mayroon din naman daw mga doktor at medics na nakaalalay sa kanila sa base camp para masiguro ang kaligtasan ng bawat mountaineer.

“Mahirap talaga ang mountain climbing. Kailangan mong maging malakas, pero hindi lang ‘yong lakas ang nag-push sa akin sa summit. Meron akong time na magku-quit na sana eh, kaso inisip ko, ‘Matatapos din ito. Makakababa rin ako’,” ani Mapalad.

“Kadalasan ang pinakamalamig na time sa pag-akyat is ‘yong bago lumabas ‘yong araw. Sobrang lamig. Minsan maiisip ko, akala ko mapuputol na ‘yong ilong ko, mapupunit na ‘yong pisngi ko, pero, sabi ko: ‘Matatapos din itong hirap na ito. Mararating ko rin ‘yong tuktok. Hindi ako susuko’.”

Ang pagsampa sa pinakaaasam na tuktok

Sa mahigit dalawang dekadang pagiging mountain climber ni Mapalad, ang Mt. Ama Dablam ang isa sa pinaka-inaasam-asam niyang akyatin. Dahil hindi biro ang taas nitong 6,812 meters, sampung taon ang ginugol niya upang paghandaan ito. 

Halos 20 mga bundok sa iba’t ibang dako ng mundo na kapwa may taas na 6,000 metro ang kinailangan niyang akyatin para masiguro niya sa kaniyang sarili na handa na siyang makaharap at matungtungan ang pinapangarap niyang bundok.

“10 years ‘yong preparation ko para akyatin ito kasi sobrang hirap umakyat. Talagang tinarget ko siya. Sobrang ganda kasi ng Ama Dablam, para siyang toblerone, ‘yong patulis na bundok,” aniya. 

Ang huli niyang inakyat na nagkumbinsi sa kaniyang sarili na handa na siya para sa pinakahihintay na bundok ay ang Mt. Mera Peak sa Nepal na may taas na 6,476 meters. 

“Sabi ko, kapag natapos ko itong halos 6,500 meters na ito, ito ‘yong magti-trigger sa akin na ‘Oh kaya ko na ang Ama Dablam’.”

Dahil matagumpay nga niyang naakyat ang Mt. Mera, noong Oktubre 10, 2024, sa wakas, ay sinimulan nang akyatin ni Mapalad ang Ama Dablam kasama ang kaniyang mga kaibigang mountaineers na sina Jeno at Ervin.

Matapos indahin ang mga nabanggit niyang pagsubok sa mga nagdaang pag-akyat ng mga bundok, tulad ng napakalamig na temperatura, sa wakas ay narating nila ang tuktok ng Mt. Ama Dablam noong Oktubre 29, 2024 (Nepal Time).

“For me, sobrang saya… Sobrang number 1 niya para sa akin.’Yon ‘yong pinangarap ko for 10 years.”

Pagkatapos mapagtagumpayan ang pinapangarap niyang bundok, plano naman daw ni Mapalad sa susunod na taon na akyatin ang ikaapat na pinakamataas na bundok sa buong mundo na Mt. Lhotse (8,516 meters), at ang pinakamataas na bundok na Mt. Everest (8,848 meters).

“Next year, sana kayanin, first Filipino!” saad niya.