Hindi mag-eendorso ng sinomang politiko sa nalalapit na halalan ang Archdiocese of Manila.
Ito ang nilinaw ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, kasabay ng pahayag na bahagi ng pagpapastol bilang arsobispo ang paggawad ng espirituwal na paggabay sa mga taong naghahangad maglingkod sa bayan.
"Ang pagtanggap ng Arsobispo ng Maynila sa mga bumibisitang kandidato sa kanyang tahanan ay hindi pag-e-endorso sa kanilang kandidatura. Bilang pastol ng simbahan, siya ay nakikinig at nagbibigay ng espirituwal na paggabay sa mga nagnanais mamuno sa ating bayan," pahayag ni Cardinal Advincula sa church-run Radio Veritas nitong Lunes.
Binigyang-diin pa ng arsobispo na ang anumang larawang makikitang kasama ito ng ilang kandidato ay hindi nangangahulugang pagsang-ayon o pagkiling sa kanilang kandidatura at plataporma kundi pagtanggap bilang ama ng arkidiyosesis.
Ayon sa cardinal, bukas ang simbahan sa pagtanggap sa mga kandidato upang mapakinggan ang kanilang mga ninanais at hinahangad sa lipunan na bahagi rin ng isang simbahang sinodal na nakikilakbay sa nasasakupang kawan.
"Malaya ang sinumang humingi ng pagbabasbas ng mahal na arsobispo, at sa tamang pagkakataon, hindi ito ipagakakait sa sinumang magnanais nito," aniya pa.
Kaugnay nito, tiniyak din niya na patuloy na isinusulong ng arkidiyosesis sa pangunguna ng media arm na Radio Veritas, ang 'One Godly Vote' campaign, na isang voters education advocacy na layuning mabuksan ang kamalayan ng 68 milyong botante sa bansa kaugnay sa mga batayan sa pagpili ng mabuting kandidato na nakahandang maglingkod sa kapakanan ng nakararami.