Ipinahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahan niya ang senatorial bid ng kontrobersyal na pastor na si Apollo Quiboloy sa 2025 midterm elections dahil magiging “asset” daw ito ng bansa.
Sa isang press conference na inilabas ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Biyernes, Nobyembre 8, sinabi ni Duterte na ikakampanya niya si Quiboloy bilang senador dahil marami raw itong alam sa buhay na makatutulong sa bansa.
"Ewan ko lang kung anong tingin ng tao ah, but Pastor (Quiboloy) is a reservoir ng maraming alam sa buhay. Ganon na ganon si Pastor, very keen observer sa buhay ng tao, very bright. He would be an asset to the country," ani Duterte.
"I will campaign for him all throughout the country," dagdag pa niya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Quiboloy matapos siyang maaresto ng mga awtoridad noong Setyembre 8, 2024 pagkatapos ng mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga
Samantala, matatandaang noong Marso 2024 nang italaga si Duterte bilang administrator ng mga ari-arian ng KOJC.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, itinalaga bilang property administrator ng KOJC ni Quiboloy