December 27, 2024

Home BALITA

Bannawag, magasing Ilokano ng MB, ipagdiriwang ang ika-90 Anibersaryo ngayong araw

Bannawag, magasing Ilokano ng MB, ipagdiriwang ang ika-90 Anibersaryo ngayong araw
Photo courtesy: Bannawag Magazine (FB)

Ipagdiriwang ng Bannawag, ang magasing Ilokano na inilalathala ng Manila Bulletin Publishing Corp., ang ika-90 anibersaryo nito ngayong araw, Nobyembre 3, 2024.

May petsang Nobyembre 3, 1934 ang unang labas ng Bannawag. Mas huli ito ng 12 taon kaysa Liwayway, ang magasing Filipino na nagdiriwang ng sentenaryo nito noong 2022, at mas huli ng 4 na taon sa Bisaya, ang pinakamatanda namang magasing Cebuano.

Unang inilathala ng Ramon Roces, Inc. ang Bannawag (“Liwayway” sa Filipino). Hinawakan nang lumaon ng Liwayway Publishing Corp., na naging Liwayway Publishing, Inc. kalaunan, noong Dekada 50. Ipinagpatuloy ng Manila Bulletin Publishing Corporation ang paglalathala nito noong 2005, kabilang ang mga kapatid nitong magasin na Liwayway, Bisaya, at Hiligaynon (na tumigil noong 2019). Sa pangangasiwa ng Manila Bulletin, naging 4-color magazine ang Bannawag. Mayroon din itong digital edition, at kamakailan, nagkaroon ng sariling website, ang bannawag.mb.com.ph.

Ayon kay Cles B. Rambaud, punong patnugot ng Bannawag, ang magasin ang pamantayan ng panitikang Ilokano sapagkat nagsisilbi itong platform ng mga manunulat na Ilokano upang maipamalas ang itinuturing nilang pinakamahusay nilang akda. Dagdag pa nito, ang mga kuwento at nobelang nalathala sa Bannawag, naging mga libro kalaunan at itinuturing na mahalaga sa panitikang Ilokano.

National

Bulkang Kanlaon, alert level 3 pa rin!

Ayon pa kay Rambaud, ang Bannawag ang nangunguna sa pagsusulong sa opisyal na ortograpiya ng wikang Ilokano. “Ginagamit ng Bannawag ang ortograpiya na pinagtibay ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2012 bilang opisyal na ortograpiya ng wikang Ilokano,” wika niya. “Dahil dito, naniniwala kami na ang mga guro na gumagamit ng wikang Ilokano sa pagtuturo, ginagamit ang Bannawag bilang reperensiya sa wastong gamit ng wikang Ilokano.”