Usap-usapan ang viral Facebook reel ng isang concerned netizen matapos niyang ipakita ang namataang kotse na may nakataling kambing sa likurang bahagi nito, habang umaandar naman ang nabanggit na sasakyan.
Ayon kay Mary Ann Armillo Oira mula sa Naga City, noong una raw ay inakala niyang hindi alam ng driver na may nasabit na kambing sa kaniyang sasakyan, subalit nang ipaalam dito, ngumisi pa raw ang nagmamaneho, pahiwatig na aware siya sa sitwasyon ng kaawa-awang hayop.
"Nung una, akala ko hindi aware yung driver na may nakataling kambing sa sasakyan, pero nang mag-overtake ako sa kanya, nakangisi pa siya. Pauwi na akong Pili galing sa Naga nang makita ko to."
"Marami kaming bumusina sa sasakyan niya, pero hindi siya huminto. Kaya, in-overtake ko siya para harangan siya, pero instead na huminto, nag-overtake lang siya sakin. Vinideohan ko to para makita ang plate number," aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens. May ilang tinawag pa ang atensyon ng Philippine Animal Welfare Society o PAWS para aksyunan ito.
"Cruelty to animals yn.. KAHIT PANG katay.. my Mali s ginagawa dpat managot.."
"Animal cruelty po 'yan, malinaw na malinaw. Grabe wala kayong awa sa hayop."
"Parang aayaw siguro ilagay sa loob ng sasakyan."
"Grabe naman wala kayong awa sa hayop!"
"Sana naman mapansin ito ng mga awtoridad, kawawa naman 'yong kambing.
Samantala, may ilan namang nagsabing huwag kaagad husgahan ang driver at baka binili niya ang kambing subalit hindi niya maisakay sa loob ng sasakyan.
"Sa palagay ko bumili yan at di maipasok sa sasakyan. Cguro puno sa loob o may bata na natatakot sa kambing. Makikita naman na mahina ang takbo at only SUV knows bakit di maipasok ang kambing, matagal mawala ang amoy. Ayaw ko mag judge kc di ko alam talagang rason. Pero next time sana yong nagpost nito di agad pinakita ang plate# kc baka ikaw balikan o kakasuhan ng may ari ng sasakyan. Marami kc dahilan bat ganyan walang makahawak sa likod, nakatali pero slow drive naman di kinaladkad na makikita natin s video na nakahiga na sa kalsada."
"Baka naman kasi hindi puwedeng ilagay sa loob ng kotse 'yong kambing, mabaho nga naman."
"Siguro ayaw nilang ilagay sa loob ng sasakyan 'yong kambing, kung mappansin natin mabagal takbo ng sasakyan."
Sa kabilang banda, anuman daw ang rason ng driver, hindi pa rin daw tama ang kaniyang ginawa. Kung binili man daw niya ang kambing, sana raw ay ginawan pa rin ng mas maayos na paraan para maideliver o mai-transport ito ng tama.
Sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Mary Ann, sinabi niyang wala pa siyang balita o update kung may mga grupong nangangalaga sa mga hayop o awtoridad na ba ang nakapag-locate sa may-ari ng sasakyan.