November 22, 2024

Home FEATURES Lifehacks

BALITrivia: Bakit sinusunog ang bandila ng Pilipinas kapag ito ay luma na?

BALITrivia: Bakit sinusunog ang bandila ng Pilipinas kapag ito ay luma na?
Photo courtesy: Pexels

Pinangunahan ng Boy and Girl Scouts of the Philippines ang pagsasagawa ng Flag Retirement Ceremony sa Palawan National School nitong nakaraang Oktubre 16, 2024.

Sa pagbabahagi ng video ni Rodney Balaran sa ‘Bayan Mo, Ipatrol Mo’—mapapanood kung paano isinagawa ang pagsusunog ng lumang watawat ng Pilipinas. Sinimulan muna sa pag-awit ng Lupang Hinirang saka sinunog ng BSP at GSP ang lumang watawat sa isang kawa, pagkatapos inilagay sa isang palayok ang mga abo nito at inilibing.

Ang nasabing lumang bandila ng Pilipinas ay sinunog at inilibing bilang bahagi ng isang opisyal na seremonya, ayon sa Republic Act RA 8491 s. 1998, na nagsasaad ng wastong paraan ng pag-dispose ng mga lumang watawat kapag ito ay papalitan na. Para sa mga guro at kay Balaran, ang pagsasagawa ng ganitong seremonya ay pagpapakita ng respeto sa ating bayang tinubuan, watawat at maging sa ating mga bayani.

Ayon sa The Flag and Heraldic Code "SEC. [14]13. DISPOSAL OF WORN OUT FLAG - [A] THE flag worn out through wear and tear, shall not be thrown away. It shall be solemnly burned to avoid misuse or desecration. The flag shall be replaced immediately when it begins to show signs of wear and tear.”

Lifehacks

Bula ng kape, puwedeng gawing batayan kung may bagyo?

Karaniwang isinasagawa ang pagsusunog ng lumang watawat tuwing Araw ng Kalayaan, Hunyo 12. Ang Imus, kilala bilang "Flag Capital of the Philippines," ang nagiging karaniwang lugar-dausan kung saan isinasagawa ang tradisyon ng ganitong seremonya.

Tulad ng tao, ang Watawat ng Pilipinas ay nagkakaedad at naluluma sa paglipas ng panahon. Kapag ito'y nasira o naluluma, nararapat itong palitan ng bago. Subalit, imbes na itapon lamang ang mga watawat, maaaring gamitin ito sa hindi wastong pamamaraan, tulad ng paggawa ng kurtina o basahan, na mahigpit na ipinagbabawal ng Flag and Heraldic Code of the Philippines (RA 8491).

Upang maiwasan ito, inaatas ng batas na ang mga lumang watawat ay dapat sunugin, ilagay ang abo sa urno, at ilibing sa isang flag grave, bilang tanda ng paggalang sa ating Pambansang Watawat.

Mariah Ang