November 25, 2024

Home FEATURES Lifehacks

Nabibili ba ng pera ang kasiyahan ng isang tao? Ilang eksperto, may sagot dito

Nabibili ba ng pera ang kasiyahan ng isang tao? Ilang eksperto, may sagot dito
Photo courtesy: Pexels

Tuwing sasapit ang kinsenas at katapusan ng buwan, karamihan sa mga empleyado ay mas ginaganahang magtrabaho dahil darating na ang suweldong kabayaran sa pinaghirapan at pinagtrabahuhan, na para sa kanila, ay "saglit na kasiyahan."

Saglit na kasiyahan dahil mabilis lang din itong mawawala; may pinaglalaanan na kaagad ito gaya ng panggastos sa bahay, intrega sa magulang, pang-grocery, pambayad sa bills, pambayad sa utang, at kung ano-ano pa. May ilan ding talagang nagtatabi para naman may pambili sa mga bagay na makapagpapasaya sa kanila.

Ang tanong kung kaya bang bilhin ng pera ang kaligayahan ay matagal nang pinagtatalunan, at tila walang iisang sagot.

Ayon sa isang pag-aaral ng Purdue University sa Amerika, kailangan ng mga tao sa Amerika ng taunang kita na $105,000 (mahigit ₱6,000,000) upang makamit ang kasiyahan.

Lifehacks

Bula ng kape, puwedeng gawing batayan kung may bagyo?

Sa konteksto ng Pilipinas, isang pag-aaral mula sa consumer website na Expensivity ang nagsasabing kailangan ng mga Pilipino ng humigit-kumulang ₱130,000 kada buwan para maging masaya.

Subalit, ayon kay Dr. Anna Cristina Tuazon, propesor ng Sikolohiya sa UP Diliman mula sa ulat ng GMA News, hindi dapat masyadong bigyan ng bigat ang ganitong mga pag-aaral na hango sa konteksto ng US, dahil iba ang realidad ng Pilipinas.

Aniya, marami pa rin sa mga Pilipino ang nahihirapang matugunan ang kanilang pangangailangan dahil sa mataas na halaga ng pamumuhay at mababang kita.

Dagdag pa ni Dr. Tuazon, ang karamihan sa mga Pilipino ay nakatuon lamang sa pagtugon sa kanilang pangunahing pangangailangan, kaya’t hindi na nagagawang abutin ang mas mataas na antas ng kaligayahan gaya ng pagpapahalaga sa sarili o pagkamit ng potensyal, ayon sa Hierarchy of Needs ni Abraham Maslow.

Bagama’t maaaring tanggalin ng pera ang mga pasanin sa araw-araw na buhay, gaya ng pagkain at seguridad, hindi ito tiyak na makapagbibigay ng pangmatagalang kaligayahan.

Ayon kay Chinkee Tan—iisang kilalang financial educator, hindi pera ang tunay na nagdadala ng kaligayahan. Habang mahalaga ang pera sa pag-abot ng mga pangangailangan at mga layunin, ang tunay na kasiyahan ay makikita sa mga relasyon, personal na pag-unlad, at makabuluhang karanasan.

Sa kaniyang mga panayam at podcast, ipinahayag ni Tan na ang pagpapahalaga sa mga bagay na hindi mabibili ng pera—tulad ng pagmamahal, pagkakaibigan, at espiritwal na kaligayahan—ay mas makakapagbigay ng kasiyahan kaysa sa materyal na bagay.

Ang pera ay dapat gamitin upang matulungan tayong magkaroon ng magandang buhay, ngunit hindi ito ang sukatan ng tunay na kaligayahan.

Sa pinakahuling ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA), tinukoy na ang food-poor threshold o halaga ng pang-araw-araw na pagkain na kailangan para hindi magutom ang isang Pilipino ay nasa ₱64 kada araw.

Ibig sabihin, ayon sa NEDA, ito ay sapat na upang matustusan ang tatlong beses na pagkain sa loob ng isang araw. Gayunpaman, marami ang nagpahayag ng pagkadismaya at pagtutol dito, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin at inflation.

Maraming Pilipino ang nagsasabi na imposibleng mamuhay ng maayos sa ganitong halaga, lalo na kung isasaalang-alang ang pangangailangang pang-nutrisyon at kalusugan ng mga tao.

Ayon sa ilang mga eksperto, ang halagang ₱64 ay tila hindi sapat upang makabili ng masustansyang pagkain at maaari pang magdulot ng malnutrisyon sa matagal na panahon.

Sa kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya, maging ang mga kabataan at mga manggagawa ay nahihirapan na sa budget na ito para lamang matustusan ang kanilang mga pangangailangan sa pagkain at pang-araw-araw na gastos.

Mariah Ang