Tila maraming humanga sa 27-anyos na lalaking person with disability (PWD) dahil sa kaniyang kasipagan at determinasyon sa pagtatrabaho bilang isang freelance delivery rider.
Sa isang Facebook post ni Nathaniel Sagun, 27, mula sa Dasmariñas, Cavite, ibinahagi niya ang mga serbisyong inaalok niya kagaya ng pasabuy, pabili at pasorpresa.
“Hello po goodmorning po sa inyong lahat, ako po si Nathaniel Felix Sagun isang FREELANCE ON CALL RIDER at isa din po akong PERSON WITH DISABILITY, (putol po ang kaliwang kamay) baka po gusto nyo mag avail ng aking serbisyo: PASABUY/PABILI/PASORPRESA,” saad ni Sagun sa naturang post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Sagun nitong Miyerkules, Oktubre 16, sinabi niyang halos nasa apat na taon na rin nang magsimula siyang pasukin ang pagiging freelance delivery rider, kung saan inamin niyang hindi umano naging madali ang pagsisimula niya bilang isang rider dahil sa kondisyon niya, lalo na sa pagkuha niya raw ng lisensya.
“Sobrang hirap, kasi hindi ka bibigyan ng LTO kapag hindi mo na-provide ‘yung mga hinihingi nila sa kondisyon ng isang PWD. Hindi porket marunong ka mag-drive kahit PWD ka, makakapag-drive ka? Hindi ganoon. Kailangan mo ipasa mga tests nila at ipa-modify din ang motor mo,” saad ni Sagun.
Saad ni Sagun, in-born daw ang kaniyang kapansanan. Naranasan niya raw maging tampulan ng tukso noon, pero habang tumatanda, nasanay na lamang daw siya.
“Since birth po ang kapansanan ko. Advantage na lang din po siguro na habang lumalaki, kahit na tampulan ka ng tukso, nakaka-adjust ka na sa mundo. Kumbaga habang tumatanda ka, masasanay ka na. Minsan nga, ikaw na lang nagbibiro sa sarili mo,” kuwento ni Sagun.
Dahil taga-Dasmariñas nga si Sagun, hindi biro ang mga ruta na naaabot ng kaniyang serbisyo. Ayon sa kaniya, umaabot siya sa Pasay City, Manila City, Makati City at Bonifacio Global City (BGC).
Bagama’t malayo ang naaabot ng kaniyang mga ruta, inamin din ni Sagun na hindi rin daw naiiwasan na sumemplang siya sa kaniyang motor.
“Kung sa pag-take ng risk, sobrang risky. Kung i-stalk niyo ‘yung account ko, may mga my day pa ko na may mga bangas pa ‘yung mukha ko, kakasemplang ko lang. Pero ‘di alintana ‘yung semplang, kase gasgas lang namin eh,” saad ni Sagun.
Samantala, tulad ng karaniwang mga delivery rider, hindi rin nakaligtas si Sagun na mabiktima din ng scam. Inilarawan niya kung paano nangyari sa kaniya ang tinatawag na “commission scheme.”
“Late ko na malaman na isa siyang commission scheme. ‘Yung customer ko nagpanggap na may customer na iba. Kinausap si seller na ₱100 lang puhunan, gagawin kong ₱250, ipapaabono ko sa rider. Tapos kapag binayaran ka, habang nagdedeliver si rider sa Shang-rila, bigay mo na sa akin ang commission ko,” saad niya.
Hindi na raw na-contact ni Sagun ang kaniyang customer nang maideliver niya ang ipinasuyo sa kaniya.
“Ayun hindi na siya nag-response hanggang sa na-block na lang ako,” dagdag pa niya.
Kalimitang sistema kasi ni Sagun na siya muna ang nag-aabono ng ilang ipinapabili o ipinapasuyo sa kaniya, bago niya matanggap ang mismong bayad kapag ito ay naideliver na.
Upang makaiwas din na mabiktima ng iba pang modus at ilegal na mga padala, maingat din daw si Sagun sa pagtanggap ng mga package at binanggit niyang mayroon siyang “rule” sa pagtanggap sa mga ito.
“May rules po kasi ako kapag package. Hindi ko po kasi tatanggapin kapag hindi ko nakikita ‘yung laman. Number one rule ko po ‘yun, kailangan makita ‘yung laman.”
Samantala, may mensahe rin na iniwan si Sagun sa mga kapuwa rider niya na lumalaban umano ng patas sa kabila ng ilang banta ng scam at hirap umano ng buhay.
“Mahirap, mahirap talaga lumaban nang patas, pero piliin mo pa rin pumatas. Piliin mo sumipag. Lagi ko nga sinasabi, minsan hindi na parehas sa akin ang mundo, basta ako sisipagan ko lang. Baka sa araw-araw na nasanay na ako na talo, eh dumating ‘yung araw na panalo naman pala ako.”
Araw-araw na tumatanggap ng customer si Sagun at maaari rin siyang ma-contact sa pamamagitan ng kaniyang Facebook account at personal cellphone number.
Sa mga may nais na ipadeliver at ipabili sa kaniya, narito na rin sa ibaba ang kaniyang contact details:
Cellphone number: 09513845589
Facebook: https://www.facebook.com/profile.php?id=61556527102087
Kate Garcia