January 23, 2025

Home FEATURES Usapang Negosyo

₱10 na kita kada pastil, paano nakatulong sa pag-aaral ng isang iskolar sa Maynila?

₱10 na kita kada pastil, paano nakatulong sa pag-aaral ng isang iskolar sa Maynila?
Photo courtesy: Yuan Fixed (FB)

Nag-viral kamakailan ang TikTok post ng content creator-scholar na si Yuan Aaroon Villamil o mas kilala bilang Yuan Fixed na ‘Pastil Journey’ noong Abril 10 na may 4M views, 304.1K likes, 1,582K comments 12.3K saves at 3,772 shares; naging dahilan ito upang mapansin at matampok siya sa ilang programa sa telebisyon noong Hulyo.

Naitampok na rin sa Balita kamakailan ang kuwento ni Yuan, dahil sa kaniyang “Pastil for my Tuition.” Dito ay idinetalye ni Yuan ang kaniyang dahilan at pinagdaanan upang makamit ang kaniyang kinatatayuan sa kaniyang munting pinagkakakitaan.

Nagbahagi ng karagdagang kuwento si Yuan patungkol sa kung paano nagsimula ang kaniyang pastil business, ang mga naging inspirasyon niya upang kumayod sa murang edad, maging ang kaniyang mga hakbang upang makatapos sa kaniyang pag-aaral.

BASAHIN: Iskolar ng Maynila, hinangaan sa pagbebenta ng pastil para makapag-aral

Usapang Negosyo

Kahit maagang naulila: Pinoy dishwasher, nagsumikap; isa nang restaurant owner

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Yuan, nagbahagi siya ng kuwento patungkol sa humble beginnings niya sa kaniyang munting negosyo.

Nag-umpisa ang negosyo ni Yuan noong 2021 kasama ang kaniyang tito. Ayon kay Yuan, nagsimula silang magtinda ng pastil noong kasagsagan ng ₱10 na pastil sa Quiapo. Nang magpatuloy siya, nagbukas siya ng sarili niyang branch sa UST at pinangalanan itong “Pastil for my Tuition.”

Naikuwento ni Yuan kung bakit pastil ang naisipan nilang inegosyo.

“Pastil dahil ito ‘yong pinakamura na tawid gutom na mabigat din sa tiyan. Si Tito nakaisip niyan actually, also madali lang gawin and simple,” saad ni Yuan.

Dahil sa sitwasyon nilang pamilya na madalas gipit sa pagkain, nais niyang makatulong sa mga estudyanteng may limitadong budget, kaya’t iniisip din niyang makatitipid ang customers sa presyo nila ng pastil habang kumikita siya.

Sa tanong kung siya ang breadwinner ng pamilya, sinabi ni Yuan, “I was, noong nagtitinda ako sa KFC year 2023 for 10 months po, nawalan po kasi ng work si lola and ang mother ko so ako yung nag-support sa lahat po pati sa baon ng kapatid ko, but for now ‘di na po and self-employed na lang po ako ngayon, like lahat ng gastos ko sa araw-araw ay galing sa bulsa ko.”

Suportado siya ng kaniyang pamilya, bagama’t may mga pagkakataong magkaiba sila ng opinyon, tulad ng pag-pursue ni Yuan sa negosyo at edukasyon.

“Actually ‘di raw madali, and tama naman ‘di talaga madali pero walang makakapigil kasi sa’kin sa pangarap ko like kahit anong mangyari, kasi ‘di pwedeng ‘di ako maging successful sa future ko, if hindi iyon mangyayari, nonsense itong ginagawa ko ngayon,” litanya ni Yuan.

Bilang isang working student at business owner, binigyan ni Yuan ng payo ang mga kabataan at mga negosyante.

“Galingan lang natin, stay lang sa goal and always vision the future kasi ito yung mag-iinspire talaga sa'yo na maligo sa umaga kahit malamig—grabe. Always stay disciplined and patient, itong dalawa ay sobrang hirap pero worth it kapag naaral mo kasi makatutulong talaga siya sa mga daily missions mo,” wika ni Yuan.

Nabanggit ni Yuan ang mga plano niya para sa hinaharap ng kaniyang negosyo.

“Actually ‘di ko pa alam, kasi balak ko kapag graduate ko is palalawakin ko na yung pastil, magtatayo na ako ng branch ganoon, then mag-wowork ako ng 5 years or less para makaipon sa mga high profit businesses and after noon I hope stable na financially—mga mid 30's po siguro,” saad niya.

Bilang isang estudyante, nakarating si Yuan sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) bagama’t hindi ito ang kaniyang unang pinili.

Ayon sa kaniya, “Actually ‘di ko rin alam, I believe na gift nga iyan sa'kin ni God kasi sa dream school ko which is UP is ayaw talaga kasi malayo raw, and ‘di kaya magtinda and hassle and navision ko naman, but dream is a dream for me kaya ‘di ko iyon nakikita as hindrance sa pagpasok doon.” Naniniwala siya na may dahilan ang Diyos kung bakit siya napadpad sa PLM, isang lugar na naaayon sa kaniyang pangangailangan bilang estudyante at negosyante.

Pinasalamatan ni Yuan ang mga netizens at mga customer na sumuporta sa kaniya. Ibinahagi rin niya kung paano siya napansin at na-feature sa Good News ng GMA.

“Nakita lang nila post ko sa mga TikToks and Facebook e, I think kay Laine Bernardo po ‘yung nakita nila, and ayon ni-chat ako ng researcher nila and ayon nag-shoot na po sa bahay namin,” kuwento ni Yuan.

Si Yuan ay patuloy na tinatangkilik ng mga mag-aaral at mamimili sa kaniyang negosyo, na nagpapakita ng sipag at dedikasyon sa kabila ng mga hamon sa buhay. Ang kaniyang kwento ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang nag-aaral at may pangarap, at nagpapakita ng halaga ng tiyaga, pananampalataya, at disiplina.

Mariah Ang