May 13, 2025

Home FEATURES Usapang Negosyo

Iskolar ng Maynila, hinangaan sa pagbebenta ng pastil para makapag-aral

Iskolar ng Maynila, hinangaan sa pagbebenta ng pastil para makapag-aral
Photo courtesy: Yuan Fixed (FB)

Nagdudulot ng inspirasyon lalo na sa mga mag-aaral ang "Pastil for my Tuition" ng estudyanteng si Yuan Aaroon Villamil o mas kilala bilang "Yuan Fixed."

Siya ay minsan nang huminto sa pag-aaral subalit ngayon ay nagbabalik at hindi tumigil sa kaniyang pangangarap.

Patuloy na sinusuportahan at sinusubaybayan ng kaniyang followers ang bagong ganap kay Yuan Fixed, at isa na nga rito ang bago niyang uploaded na TikTok post kung saan may bago na ngang location ang kaniyang business.

Aniya, “We are here sa dati nating pwesto which is Baco corner Dapitan but nag-aaral na tayo and dito sa pwesto natin ay hindi na raw tayo pwede dahil meron ng restaurant na itatayo so meron tayong bagong pwesto—itong street 62 Halcon II corner Dapitan Quezon City, still 10 pesos pa rin ang pastil natin—I hope makita ko kayo kapag bumili kayo.”

Usapang Negosyo

Kahit maagang naulila: Pinoy dishwasher, nagsumikap; isa nang restaurant owner

Sa panayam ng Ang Pamantasan— isang opisyal na eskwelahang pampahayagan ng PLM kay Yuan, ibinahagi niya kung papaano nagsimula ang kaniyang munting negosyo at laban para sa pangarap na magpatuloy sa pag-aaral.

Mula sa Pagsasakripisyo Hanggang sa Pagsisimula ng Negosyo

Sa taong 2021, sapilitang tumigil si Yuan sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo dahil sa kakulangan sa pananalapi. Sa kabila ng kaniyang mga hamon, hindi siya nawalan ng pag-asa at nagsimula siyang magtinda ng pastil — isang simpleng desisyon na nagbigay daan sa kaniyang muling pag-aaral. “Nung nag-stop ako, nag-pastil kami ng tito ko pero mabilis lang kasi nga umalis ako dahil kailangan ko ng sariling income,” saad ni Yuan.

Dahil sa kaniyang 10-pisong pastil, unti-unting bumuhos ang suporta mula sa komunidad, na nagbigay ng pagkakataon kay Yuan na muling makapasok sa paaralan at makamit ang kaniyang mga pangarap.

Diskarte at Diploma: Balanseng Kinabukasan

Ngunit sa kaniyang pagbalik, hinamon siya ng mga katanungan. “Mas matimbang ba ang diskarte o diploma?” Sa kaniyang sagot, ipinakita ni Yuan ang halaga ng edukasyon sa kaniyang negosyong pastil. “Mas mabilis dumiskarte kapag may background ka ng education tsaka may knowledge ka sa bagay,” aniya.

Sa kabila ng mga pagsubok, tiniyak ni Yuan na mapanatili ang tamang balanse sa pag-aaral at negosyo. “Mahalaga ang diskarte’t diploma sa akin. Sa ganitong paraan, mas madali akong makakabawi,” dagdag pa niya.

Tagumpay sa Pagbabalik

Sa kabila ng tatlong taong paghinto, punung-puno ng pananabik si Yuan sa kaniyang pagpasok muli sa paaralan. “Excited ako grabe. Sobra ko talagang namiss ‘yung school, ‘yung socialization,” pahayag niya.

Lubos ang kaniyang pasasalamat sa mga tumulong sa kaniya sa kaniyang paglalakbay bilang iskolar. “Alam ko lang gusto ko ‘yung isang bagay kaya gumagawa ako ng paraan,” aniya.

Pagtanggap sa mga Puna at Patuloy na Pagsusumikap

Hindi maiwasan ang mga negatibong komento, ngunit sa halip na panghinaan ng loob, ginagamit ito ni Yuan bilang motibasyon. “Hindi puwedeng hindi ako maging successful. Hindi siya pwedeng hindi mangyari. ‘Pag di siya nangyari parang nonsense yung mga ginagawa ko ngayon. Tsaka ayon ‘yung pinagdaanan ko parang nonsense lang, parang tinapon ko lang lahat. Parang nag tayo ako ng blocks tapos tinumba ko lang. Dream ko maging successful ‘yon pangako ko sa sarili ko,” wika ni Yuan.

Sa kaniyang kuwento, lumalabas ang dalawang mahalagang aral: pagsisikap at tiwala sa sarili. Sa kabila ng mga pagsubok, tiwala siya na may tamis na naghihintay sa dulo ng kaniyang mga paghihirap.

Isang kuwento ng pag-asa at pagsusumikap ang ipinapakita ni Yuan Aaroon Villamil. Mula sa simpleng pastil na kaniyang tininda, nagbukas siya ng pinto para sa kaniyang mga pangarap. Sa huli, ang kaniyang dedikasyon at ang tibok ng kaniyang puso para sa edukasyon ay patunay na kahit gaano kahirap, may daan tungo sa tagumpay.

Ang nasabing TikTok post ni Yuan Fixed ay kasalukuyang may 59.7K views, 5,040K Likes, 157 saves at 52 shares.

Mariah Ang