Ang pagdalo sa concert ay isang karanasang puno ng saya at damdamin para sa bawat fan, ngunit kasabay nito ay ang responsibilidad na magpakita ng tamang asal upang hindi makaistorbo sa kapwa.
BASAHIN: Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?
Kamakailan, naging usap-usapan ang isyung kinasangkutan ng social media personality na si Jen Barangan matapos gamitin ang camera flash habang nagvivideo sa concert ni Olivia Rodrigo sa Pilipinas. Nagbunga ito ng diskusyon sa social media tungkol sa tamang etiquette sa mga ganitong events upang masigurong maayos ang karanasan ng lahat.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Kevin Pableo ng Manila Concert Scene, ibinahagi niya ang ilang mga mahahalagang concert etiquettes na dapat tandaan ng mga concertgoers.
“I think it's how you respect and be kind to other fans. I know nagbayad tayo ng malaki for a concert ticket pero syempre di yun entitled to do unruly things. Yeah we can be overwhelmed what we see on stage in a concert but always be considerate to other audience.” inilahad ni Pableo. nararapat na magkaroon ng konsiderasyon pa rin sa kapwa kahit ang excitement ay damang-dama.
Aniya pa, “In terms of using phone flash, actually bawal yung ganun in some shows. Also, as a media who covers concert, there's unwritten rule na "no flash photography" in taking pictures. Again, the center of attraction is the person on stage.” binigyang-diin na ang phone flash ay maaaring makaabala sa ibang mga manonood dahil sa nakakasilaw na liwanag na nagmumula rito.
Nagbigay din ng pahayag si Pableo ukol sa isyu ni Jen Barangan na trending magpahanggang ngayon sa social media.
“I think, na overwhelmed lang din siya as a fan during the show since first time din naman natin nakita si Olivia dito. I hope she learned and again, considerate with othe fans na nasa paligid nila. She made apology naman, move on na lang din.”
Nagbahagi rin ng personal na karanasan si Pableo na kung saang may pagkakataon na siya rin mismo ay nanita ng isang concertgoer noon.
Sabi niya, “Yeah I do, lalo na yung mga tumatayo ng matagal even lahat na nasa paligid niya, nakaupo. Hindi lang ako yung sumita, even a bouncer lumapit na sa kanya kasi she's blocking other audience view.”
Panghuli ay nagbigay ng mensahe at paalala si Pableo sa mga concertgoers.
“Be at the venue early for less-hassle concert experience. Be friendly, considerate and respect to other fans, don't be unruly na makaka-affect sa concert experience ng ibang audience.” litanya ni Pableo.
Samantala, narito naman ang ilang gabay na basic concert etiquettes mula sa mga blog isinulat nina Matthew King at Brooke Morrison:
1. Ihanda ang Iyong Ticket
- Siguraduhing handa na ang iyong digital o physical ticket bago pumasok para hindi maabala ang pila. Kung may bag, maging handa rin para sa bag search.
2. Huwag Sumingit sa Pila
- Iwasan ang pagsingit sa pila sa labas o sa loob ng venue, gaya ng sa bar, CR, o merchandise stall. Maging magalang sa iba.
3. Panatilihin ang Kalinisan ng Katawan
- Dahil siksikan ang concerts, mahalagang panatilihin ang tamang personal hygiene. Lalo na sa mga festival na tumatagal ng ilang araw, mag-ingat na maging malinis.
4. Huwag Tumayo sa Harap ng Iba
- Iwasang humarang sa view ng mga matagal nang nakatayo sa harap. Kung nais umakyat sa balikat ng iba, gawin ito sa maikling panahon lamang para hindi makasagabal.
5. Sumayaw sa Iyong Espasyo
- Masayang sumayaw, ngunit siguraduhing hindi ka sumasakop ng espasyo ng iba. Bigyan ng lugar ang bawat isa para mag-enjoy.
6. Huwag Magtapon ng Inumin
- Iwasang magtapon ng drinks sa ere dahil mahal ang drinks sa concert at nakakagulo sa iba kapag natatamaan sila ng natapon na inumin.
7. Respetuhin ang Mga Performer at Opener
- Magbigay galang sa mga performers, lalo na sa mga opening acts. Hindi lahat ng tao ay pumunta para sa kanila, kaya magandang ipakita ang respeto sa kanilang pag-perform.
8. Mag-ingat at Tumulong sa Kapwa
- Laging maging alerto sa kaligtasan mo at ng mga kasama. Kung may taong nahihilo o nangangailangan ng tulong, magbigay ng tubig o ipagbigay-alam sa security.
9. Huwag Mag-film nang Matagal
- Maaari kang kumuha ng videos ng paboritong kanta, pero huwag sobrahan. Tumutok din sa karanasan mismo at huwag i-overwhelm ang ibang tao ng cellphone.
10. Iwasan ang Flash Photography
- Tanggalin ang flash kapag kukuha ng larawan. Masisira ang experience ng iba kung may nakakasilaw na ilaw mula sa iyong camera.
11. Alagaan ang Sarili
- Siguraduhing hydrated at nakakakain ka bago ang concert, lalo na kung maghihintay nang matagal. Kapag nakakaramdam ka ng pagkahilo, agad na lumabas sa masikip na bahagi upang maiwasan ang aksidente.
12. Huwag Magsiksikan o Magtulakan
- Iwasan ang pagtulak o pagsiksikan para makalapit sa harap. Ang labis na siksikan ay maaaring magdulot ng aksidente o pinsala sa'yo o sa artist.
13. Makipagkaibigan
- Ang concerts ay magandang pagkakataon upang makilala ang ibang tao na may kaparehong interes sa musika. Makipag-usap at mag-enjoy sa bagong mga kaibigan.
14. Mag-enjoy
- Sa kabuuan, ang concerts ay para magsaya. Huwag masyadong mag-alala tungkol sa mga detalye. Maging ligtas, mag-enjoy, at hayaang dalhin ka ng musika!