December 23, 2024

Home SHOWBIZ

PASABOG! Mga personalidad na papasukin na rin ang politika

PASABOG! Mga personalidad na papasukin na rin ang politika
Photo courtesy: Marco Gumabao (IG), Enzo "Asenzo Tayo" Pineda (FB), Tarlac Forum (FB), ABS-CBN News (FB), Impact Leadership (FB), MJ Salcedo/ BALITA, Ralph Vincent/BALITA

Tila marami ang nagulantang sa mga pangalang nagsulputan upang maghain ng kani-kanilang kandidatura sa iba’t ibang posisyon, sa katatapos pa lamang na filing ng Certificate of Candidacy (COC), na nag-umpisa noong Oktubre 1, 2024 hanggang Oktubre 8, 2024.

Ayon sa ulat ng GMA News, halos umabot sa 100 mga artista at social media personalities ang naghain ng kanilang kandidatura sa para sa eleksyon 2025. Nasa 26 na artista at social media personalities ang tatakbo sa pagiging senador at nominado ng ibang partylist group habang 65 naman ang nag-aasam sa local positions.

Kaya naman animo’y pasabog ang ilang mga personalidad na gusto ring pasukin ang mundo ng politika.

Narito ang listahan ng ilang personalidad na naghain ng kanilang COC at pinag-usapan ng netizens:

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

LOCAL POSISTIONS:

Rosmar Tan

Maraming netizens ang nagulat nang maghain ng kaniyang kandidatura ang content creator at negosyanteng si Rosmar bilang konsehal sa Maynila. Aniya, wala umano siyang balak na pasukin ang politika ngunit “na-push” daw sia dahil kailangan umano siya ng mga tao.

KAUGNAY NA BALITA: Rosmar, tatakbong konsehal sa Maynila: 'May nag-push po sa akin...'

Ara Mina at Shamcey Supsup-Lee

Kapuwa tatakbong konsehal ng Pasig City ang aktres na si Ara Mina at Miss Universe director Shamcey Supsup-Lee. Ito ang ikalawang beses na magtatangka ang dalawa na makapasok sa politika, na ngayo’y nag-aasam na makalusot sa ilalim ng partidong kinabibilangan ni Gerrard General Construction and Development Corporation (SGGCDC) executive Sarah Discaya na siyang primerong katunggali ni incumbent Pasig City Mayor Vico Sotto.

Tatakbong konsehal ng unang distrito ng Pasig City si Shamcey habang si Ara naman sa ikalawang distrito.

Matatandaang naunang tumakbo si Ara Mina bilang konsehal ng Quezon City noong 2010, ngunit bigo siyang palarin, habang 2021 naman ng sinubukan din ni Shamcey na magkaroon ng puwesto sa Kongreso bilang first nominee ng (Advocates for Retail and Fashion, Textile and Tradition, Events and Entertainment and the Creative Sector) ARTE party-list, ngunit bigo rin siyang manalo. 

Ion Perez

Isa sa mga artistang naunang maghain ng kandidatura sa lokal na posisyon ang TV host at model na si Ion perez bilang konsehal sa Concepcion, Tarlac.

KAUGNAY NA BALITA: Ion Perez, tatakbong konsehal sa Tarlac

Aljur Abrenica

Papasukin na rin ng aktor na si Aljur Abrenica ang politika matapos siyang maghain ng kandidatura para konsehal sa Angeles City.

KAUGNAY NA BALITA: Pagtakbong konsehal ni Aljur Abrenica, 'give back' sa mga taga-Angeles City

Enzo Pineda

Nagtatangka na ring pasukin ng aktor na si Enzo Pineda ang politika matapos niyang pormal na inihain ang COC bilang konsehal sa fifth district ng Quezon City. Si Enzo ay anak ni dating 1-Pacman partylist Representative Enrico Pineda.

Sam Verzosa

Lakas loob ding kakalabanin ng negosyanteng si Sam Verzosa sa pagka-alkalde ng Maynila si incumbent mayor Honey Lacuna at ang nagbabalik na si Isko Moreno. 

Arron Villaflor

Noong Oktrube 1, unang araw ng filing, nang isapormal ng Vivamax actor na si Arron Villaflor ang kaniyang intensyon na tumakbo bilang Board Member ng ikalawang distrito ng Tarlac.

Luis Manzano

Hindi rin inakala ng marami ang animo’y biglaang pagtakbo ng aktor at TV host na si Luis Manzano bilang bise gobernador ng Batangas. Kasama ni Luis ang kaniyang half-brother na si Ryan Christian Recto na tumatakbo rin bilang sixth district Representative ng nasabing lalawigan habang nag-aasam namang makabalik bilang gobernador ang kanilang ina at batikang aktres na si Vilma Santos-Recto.

KAUGNAY NA BALITA: Vilma Santos at dalawang anak, naghain na ng kandidatura; raratsada sa liderato sa Batangas

NATIONAL POSITIONS:

Marco Gumabao

Ginulat din ng aktor na si Marco Gumabao ang netizens matapos niyang magsumite ng COC sa pag-aasam na maging Fourth District Representative ng Camarines Sur. Ayon sa aktor, ang pagtatangka umano niya na makapasok sa pulitika ay itinuturing na niya umanong simula ng panibagong yugto ng kaniyang buhay.

KAUGNAY NA BALITA: Marco Gumabao kinuwestyon pagkandidato: 'What can you bring to the table?'

Diwata

Tumatayong fourth nominee naman ng Vendor’s Partylist si Deo Balbuena o mas kilala bilang "Diwata." Si Diwata ay unang nakilala sa kaniyang sikat na unli pares. Sa kaniyang pahayag sa media, naglalayon umano silang makapagtatag ng kooperatiba na malalapitan umano ng mga ordinaryong Pilipino.

KAUGNAY NA BALITA: Diwata, isa sa nominees ng Vendors Partylist: 'Boses para sa maninindang Pilipino!'

Nora Aunor

Handa na ring pasukin ni Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor ang politika matapos siyang maghain ng COC bilang second nominee ng People’s Champ Guardians party-list. 

KAUGNAY NA BALITA: Nora Aunor, second nominee ng People's Champ party-list: 'Gusto ko makatulong!'

Philip Salvador

Isinapormal din ng action star na Philip Salvador ang kaniyang kandidatura sa pagkasenador na siya ring inendorso ni dating Presidente Rodrigo Duterte at mga senador na sina Robin Padilla, Bato Dela Rosa at Bong Go. Sinabayan nina Dela Rosa at Go si Salvador na magsumite ng kanilang COC bilang mga reelectionist. 

KAUGNAY NA BALITA: Phillip Salvador sa pagtakbo bilang senador: ‘Nalalaman ko hinaing ng mga tao’

Willie Revillame

Ginulat din ng tanyag na TV Host na si Willie Revillame ang taumbayan nang maghain siya ng COC sa huling araw ng filing nitong Oktubre 8.Matatandaang ilang ulit niyang iginiit noon na wala umano siyang intensyon na pasukin ang politika sa kabilang ng panawagan ng kaniyang fans.

KAUGNAY NA BALITA: Willie nag-file ng COC, ibinunyag nag-udyok para tumakbong senador

Ilang lamang sila sa mga artista at social media influencers na ngayo’y nag-aamba na rin na makasungkit ng puwesto sa gobyerno. Ikaw? Anong masasabi mo sa mga showbiz at internet personalities na handa na umano maglingkod sa publiko?

KATE GARCIA