November 24, 2024

Home BALITA Eleksyon

Hontiveros sa pagkandidato ni Quiboloy: 'Magkaroon naman kayo ng kaunting hiya'

Hontiveros sa pagkandidato ni Quiboloy: 'Magkaroon naman kayo ng kaunting hiya'
(contributred photos)

Pinatutsadahan ni Senador Risa Hontiveros si Pastor Apollo Quiboloy matapos itong maghain ng certificate of candidacy (COC) sa pagkasenador sa kabila umano ng mga patong-patong na kaso laban sa pastor. 

Matatatandaang naghain ng COC si Quiboloy sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Mark Tolentino nitong Martes, Oktubre 8.

Ayon kay Tolentino, tatakbo umano si Quiboloy dahil sa “Diyos at Pilipinas.”

BASAHIN: Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

Eleksyon

George Garcia sa eleksyon sa Pilipinas: 'Walang natatalo, lahat nadadaya'

Sa isang pahayag, pinagsabihan ni Hontiveros si Quiboloy na magkaroon naman ito ng hiya.

"Apollo Quiboloy, magkaroon naman kayo ng kaunting hiya. Para sa isang taong humaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang human trafficking at child abuse, at nagtago pa nga sa batas, nagkaroon pa talaga kayo ng lakas ng loob na ipresenta ang iyong sarili sa taumbayan para maging mambabatas," saad ng senadora.

Dagdag pa niya, "Karapatan nga ng bawat isa sa ating tumakbo para maglingkod sa bayan, pero nagtitiwala akong may sapat na kaalaman tayong mga Pilipino para gamitin natin ang ating karapatang pumili ng ating mga lider para hindi iboto si Quiboloy. Let us not elect lawbreakers as lawmakers."

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) si Quiboloy matapos siyang maaresto ng mga awtoridad noong Setyembre 8, 2024 pagkatapos ng mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng KOJC.

Nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”

MAKI-BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga