Sa panahon ng mabilisang pag-usbong ng teknolohiya, hindi maiiwasan ang patuloy na paglaganap ng online scams.
Ang mga manggagantso ay patuloy na nagiging mas tuso sa kanilang mga pamamaraan, kaya't mahalagang alam natin ang iba't ibang uri ng online scams upang maprotektahan ang ating sarili.
Narito ang limang karaniwang uri ng online scam na dapat mong malaman at kung paano ito maiiwasan.
1. Phishing Scam
Ang phishing ay isa sa pinakakaraniwang uri ng online scam. Sa scam na ito, may mga taong nagpapadala ng pekeng email o mensahe na tila galing sa mga lehitimong kumpanya upang makuha ang iyong mga personal na impormasyon tulad ng password, account number sa banko, o credit card details.
Karaniwan, ang mga mensaheng ito ay may kasamang link na kapag iyong pinindot, dadalhin ka sa isang pekeng website kung saan ka kukumbinsihin na maglagay ng sensitibong impormasyon.
Paano maiiwasan:
- Huwag mag-click sa mga kahina-hinalang link o magbukas ng mga email attachment mula sa hindi kilalang sender.
- Tiyaking ang URL ng website ay nagsisimula sa "https" na secured bago maglagay ng personal na impormasyon.
- Mag-install ng anti-virus software upang i-scan ang iyong mga email para sa mga kahina-hinalang link at attachment.
2. Smishing Scam
Ang smishing ay tulad ng phishing, ngunit sa halip na email, ang mga scammer ay gumagamit ng text message upang manloko.
Karaniwang nagpapadala ng mensahe ang scammer na naglalaman ng "too good to be true" na mga alok o kaya naman ay sinasabing may problema sa iyong bank account at kailangan mong mag-click ng link o tumawag sa isang numero para maayos ito.
Paano maiiwasan:
- Huwag agad maniwala sa mga text message na may kahina-hinalang link o numero ng telepono.
- Tawagan ang iyong bangko o provider gamit ang kanilang opisyal na numero para kumpirmahin ang anumang mensahe na natanggap.
- Huwag basta-basta magbigay ng personal na impormasyon sa mga hindi kilalang nagte-text.
3. Vishing Scam
Ang bishing o voice phishing ay isa pang uri ng scam kung saan tumatawag ang scammer at nagpapanggap bilang isang lehitimong kinatawan ng isang kumpanya.
Karaniwang layunin nito ay makuha ang iyong personal na impormasyon, bank details, o credit card information. Kadalasang nag-aalok sila ng mga promosyon o deal na "too good to be true.”
Paano maiiwasan:
- Kung makatatanggap ng kahina-hinalang tawag, huwag agad magbigay ng impormasyon. Magsaliksik muna tungkol sa kumpanyang kinakatawan ng tumatawag.
- Huwag basta-bastang magtiwala sa mga alok na too good to be true.
- I-verify ang numero ng tumatawag gamit ang opisyal na customer service hotline ng kumpanya.
4. Online Marketplace Scams
Ang online marketplace scams ay karaniwang nangyayari sa mga online shopping platforms kung saan ang mga scammer ay nagpo-post ng pekeng produkto o kaya naman ay mag-aalok ng item sa napakababang halaga. Kapag nagbayad ka na, bigla ka na lang iba-block ng seller at hindi mo na makikita ang kanilang account.
Paano maiiwasan:
- Siguraduhin na lehitimo ang seller sa pamamagitan ng pag-check ng kanilang reviews at ratings mula sa mga naunang customer.
- Magbayad gamit ang secure payment methods at iwasang magbayad via bank transfer o remittance services na walang buyer protection.
- Igiit ang paggamit ng cash-on-delivery (COD) para sa mga produkto mula sa hindi kilalang seller.
5. Investment Scam
Ang investment scam ay isang modus kung saan hinihikayat ka ng mga scammer na maglagay ng pera sa mga pekeng investment schemes na nangangakong magbibigay ng malaking kita.
Kadalasan, ang mga alok na ito ay nangangailangan ng mabilisang pagdedesisyon at wala kang sapat na oras para pag-aralan ang legitimacy ng alok.
Paano Maiiwasan:
- Magsaliksik muna tungkol sa kumpanyang nag-aalok ng investment. Siguraduhing ito ay nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).
- Mag-ingat sa mga alok na nangangako ng mataas na kita sa loob ng maikling panahon, dahil kadalasan, ito ay scam.
- Kumunsulta sa isang financial advisor o propesyunal na may kaalaman pagdating sa pera bago maglagay ng pera sa anumang uri ng investment.
Pagkilos laban sa mga scammers
Ayon sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Unit, ang mga ganitong uri ng scam ay patuloy na lumalaganap, lalo na’t mas dumarami ang mga transaksyong ginagawa online.
Kung ikaw ay nabiktima ng online scam, agad na isumbong ito sa PNP Anti-Cybercrime Unit o sa Department of Trade and Industry (DTI). Matatagpuan ang kanilang tanggapan sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas, o maaari silang tawagan sa kanilang hotline: Tel: (+632) 523 8482, (+632) 523 6826.
Maging mapanuri, mag-ingat, at laging suriing mabuti ang mga online transactions. Huwag magpabiktima sa mga tila mapanlinlang na alok.