Tila marami ang naantig sa kuwento ng isang inahing chimpanzee matapos umano nitong kargahin ang labi ng kaniyang anak sa loob ng halos pitong buwan.
Pebrero ngayong taon nang pumanaw ang anak ng nabanggit na chimpanzee na pinangalanang Natalia ng Bioparc Zoo sa Valencia sa Spain.
Ayon sa mga ulat ng international news outlets, sadya raw na dinamdam ni Natalia ang pagpanaw ng kaniyang anak na dalawang linggo lang umano nito nakasama matapos maisilang. Si Natalia kasi, hindi na binitawan ang labi ng kaniyang anak magmula ng pumanaw ito.
Bitbit at kung minsan ay yakap daw ni Natalia ang labi ng kaniyang baby chimpanzee bagama’t ito ay tila unti-unti nang naaagnas.
Matatandaang buwan ng Mayo nang unang mapabalita sa iba't’ ibang news outlet ang tungkol sa nagluluksang si Natalia na hindi rin umano pinigilan ng Bioparc na kargahin niya ang bangkay ng anak sa loob ng kulungan, kung saan kasama pa niya ang iba pang chimpanzees.
Samantala, ayon sa ulat ng GMA News, ngayong Oktubre na umano nagawang bitawan ni Natalia ang yumaong anak. Unti-unti umano nitong binitawan at iniwan sa isang damuhan ang mga buto nito, na agad din daw dinampot ng caretakers upang mailibing nang disente.
Kate Garcia