December 22, 2024

Home SPORTS

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?
Photo courtesy: PBA Media Bureau and NorthPort Batang Pier (FB)

Inihayag ni Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial, ang umano’y magiging kapalaran ng kontrobersyal na PBA player na si John Amores, matapos siyang masangkot sa insidente ng pamamaril noong Setyembre 25, 2024.

Si Amores ay muling nakaladkad sa kontrobersiya, matapos mag-viral ang CCTV footage ng pamamaril umano niya sa isa pang basketbolista sa Laguna. Sumuko si Amores at kaniyang kapatid, sa pulisya noong Setyembre 26, 2024 matapos umano matanggap ang ilang death threats.

KAUGNAY NA BALITA: PBA player John Amores sumuko sa pulisya; nahaharap sa kasong ‘attempted murder?'

Sa isang panayam sa media noong Miyerkules, Oktubre 2, 2024, sinabi ni Marcial na pormal na nilang sinulatan si Amores upang makapagpaliwanag umano ito, tungkol sa isyung kinasangkutan.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Pero binigyan namin siya ng letter from our legal and again ng NorthPort, kay Governor Erick Arejola to explain. May mga tanong kami. Due process kami, ano bang dapat gawin sa iyo?” saad ni Marcial. 

Dagdag pa ni Marcial, may limang araw umano si Amores upang isumite ang kaniyang mga kasagutan hinggil sa ilang tanong ng PBA Board.“Tapos kapag nabigay sa amin within five days, na-explain sa amin sa mga tanong namin, saka kami magmi-meeting, magde-decide kung ano yung dapat gawin kay Amores,” ani Marcial. 

Matatandaang noong Setyembre 27, 2024 naman nang pansamantalang makalaya ang basketbolista at kaniyang kapatid matapos umanong payagang makapagpiyansa.

KAUGNAY NA BALITA: PBA Player John Amores at kapatid, pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa

Sa Disyembre 4, 2024 umano nakatakda ang paglilitis sa kaso ni Amores na nahaharap sa attempted homicide bunsod ng naturang insidente. 

KATE GARCIA