Ikinalungkot umano ng Philippine Basketball Association (PBA) ang kinasangkutang shooting incident ni NorthPort Batang Pier basketball player John Amores noong Miyerkules, Setyembre 25, 2024 sa Lumban, Laguna.
KAUGNAY NA BALITA: PBA player John Amores sumuko sa pulisya; nahaharap sa kasong ‘attempted murder?'
Sa isang maiksing pahayag ni PBA Commissioner Willie Marcial, sinabi niyang ikinalulungkot umano nila ang nangyari kay Amores at nasa imbestigasyon na umano ng pulisya ang kapalaran ng basketbolista.
"This is a matter subject of investigation by the police, and we cannot comment on it. But we are saddened by such an unfortunate incident.”
Matatandaang taong 2023 nang bigyan ng pagkakataon ng PBA si Amores na mapasama sa rookie draft, matapos siyang ma-ban sa collegiate league dahil sa pananapok ng apat na manlalaro mula sa De La Salle College of St. Benilde.
Matapos muling makabalik sa hardcourt, matatandaan ding nagpahayag si Amores ng kaniyang saloobin hinggil sa pagbabagong buhay umano niya matapos masangkot noon sa gulo at naging mitsa sa kaniyang karera sa National Collegiate Athletic Association (NCAA).
“I can show them that I can change, and I can show people that I will do what I have to do for a better career,” ani Amores sa panayam sa mga media.
Samantala, nananatiling tikom ang bibig ng management ng Northport Batang Pier sa kinasangkutan ng kanilang manlalaro.
Kate Garcia