Inaakusahan umano ng mga netizen na inunahan ng “Maple Leaf Dreams” nina LA Santos at Kira Balinger ang “Hello, Love, Again” nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” nitong Lunes, Setyembre 23, pinag-usapan nina showbiz columnist Cristy Fermin at Romel Chika ang tungkol sa nasabing isyu.
“Siyempre ipapalabas na itong “Maple Leaf…” ‘di ba? Syempre, maraming nagkukuwento na ang “Maple Leaf Dreams” daw ay sadya raw bang inunahan ang ‘Hello, Love, Again,’” saad ni Cristy.
“Alam naman natin ‘pag sa ganitong mundo, mayro’ng mga nagkataon lang, may sinasadya. Pero do’n tayo sa nagkataon lang ito siguro. Kasi….alam mo naman ang babanggain mo e iba ‘di ba? Alden at [Kathryn],” sabi naman ni Romel.
“Siyempre, iba ‘yan. Nagkataon lang siguro na doon talaga rin ang location ng ‘Maple Leaf.’ Kasi nga sa tittle pa lang, sa’n ba makikita ang maple leaves? Sa Canada, ‘di ba? Kaya nagkataon lang siguro,” dagdag pa niya.
“Saka marami pong problema ang ating mga Pinoy workers sa Canada,” singit ni Cristy. “Napakarami pong mga kuwento na pupuwedeng buuin ang ‘Maple Leaf Dreams’ at saka itong ‘Hello, Love, Again.’”
Samantala sa isang artikulo naman ng Philippine Entertainment Portal kamakailan ay nauna nang nilinaw ni Kira na iba raw ang pelikula nila ni LA sa pelikula na ginagawa ng KathDen.
Wika ng young actress: “Para sa akin I believe that every OFW story is different. I mean, we may have the same location po as ‘Hello, Love, Again.’”
“Pero malay po natin baka na magiging sad yung ending nila, sa amin happy. I believe that every OFW story deserves to be told and that they are all different,” dugtong pa niya.
Mapapanood na simula bukas, Setyembre 25, ang “Maple Leaf Dreams” sa mga sinehan sa bansa habang ang “Hello, Love, Again” naman ay sa Nobyembre 13 pa.
MAKI-BALITA: 'Kinilabutan ako!' Unang pasilip sa 'Hello, Love, Again,' umani ng reaksiyon