Usap-usapan ang isang viral na open letter mula sa isang ina sa India matapos niyang maglabas ng sama ng loob sa kompanyang pinagtatrabahuhan ng kaniyang 26-anyos na anak, na sumakabilang-buhay dahil sa pagiging "overworked."
Batay sa mga ulat, ang liham ay gawa ng isang nagngangalang "Anita Augustine," na naglabas ng kaniyang pagkadismaya sa boss at mga katrabaho ng anak na si Anna Sebastian Perayil.
Si Perayil ay isang chartered accountant sa isang accounting firm sa Pune, India.
Nakasaad sa sulat na Marso nang pumasok sa prestihiyosong kompanya si Perayil, at dahil ito ang unang trabaho at punumpuno pa siya ng mga pangarap na nais matupad, ibinuhos umano ng anak ang kaniyang panahon at atensyon para sa paglilingkod dito.
Kaya ganoon na lamang ang pagkagimbal ng ina nang dumating ang malungkot na balitang pumanaw ang anak, noong Hulyo.
Ngunit ang mas ikinalungkot ng ina, ni isa mula sa kompanya ay walang dumalaw sa funeral ng anak.
Kaya payo ng ina sa young professionals, busisiing mabuti ang work culture ng kompanyang papasukan.
Samantala, nagpadala naman ng pakikiramay ang kompanya sa isang opisyal na pahayag at ipinaliwanag na nalulungkot umano sila sa pagkamatay ni Anna.
MAKI-BALITA: Madir ng empleyadong namatay dahil ‘overworked’ kinalampag ang boss, ‘di nagpunta sa funeral
WORK-LIFE BALANCE TEH, HUWAG FEELING TAGAPAGMANA!
Oo't mahalaga ang pagpapakita ng kahusayan at dedikasyon sa trabaho, subalit huwag pa ring kalilimutang alagaan ang sarili at huwag masyadong magpasubsob sa trabaho. Kapag nagkasakit ka, sinong gagawa ng trabaho mo? Puwedeng-puwede kang palitan kapag nawala ka.
Kaya narito ang ilang simple at praktikal na tips para maiwasan ang pagiging overworked:
1. Epektibong time management. Magplano nang maayos at mag-set ng realistic na deadlines para sa mga tasks. Gamitin ang time management techniques tulad ng Pomodoro Technique o Time Blocking para mas maayos ang pagtatalaga o distribusyon ng oras sa bawat gawain. Kung kinakailangang gumamit ng notebook o planner, o kaya naman ay mga available na productivity apps, gawin ito.
2. Matutong pag-prioritize. Alamin at limiin kung aling tasks ang mas mahalaga at kritikal. Gawing prayoridad ang mga ito at iwasan ang cramming o procrastination. Pero in fairness, may mga taong "crammers" at nakakagawa kapag alam na nilang malapit na ang deadline, pero kung alam mo sa sarili mong hindi ka ganito, huwag ka magpanggap.
Dapat alam mo na sa sarili mo kung ano ang dynamics mo pagdating sa trabaho. Ikaw ba 'yong tipong gustong natatapos agad ang mga trabaho at ayaw na may nakabinbin? O ikaw 'yong pepeteks ka muna bago mo simulan ang trabaho, lalo na kapag tinatadtad ka na ng emails at messages ni Boss?
3. Set boundaries. Magtakda ng mga boundary sa trabaho tulad ng hindi pagbubukas ng trabaho o means of communication sa labas ng oras ng trabaho. Ito ay makatutulong upang maiwasan na ang mga gambala o istorbo, lalo na kung "babe time" o "me time" na. Kung kaya mong magkaroon ng hiwalay na gadget para sa work-related concerns lamang, gawin ito.
4. Bukas na komunikasyon sa boss. Kung may problema ka sa workload o sa pagiging overworked, huwag mag-atubiling makipag-usap sa iyong supervisor, manager o team mates. Maaaring magkaroon ng paraan para ma-adjust ang workload o magkaroon ng support.
5. Leaves, breaks at pahinga. Mahalagang magkaroon ng regular breaks upang ma-refresh ang isip at katawan. Ito ay makakatulong upang mapanatili ang productivity at maiwasan ang burnout. Kaya nga umani ng kritisismo ang isang content ng isang co-owner ng isang kompanya matapos niyang gamitin ang oras ng lunch break sa meeting nila (working lunch).
MAKI-BALITA: Co-founder ng Lola Nena’s nagsalita sa isyu ng ‘working lunch’ video
Sabi nga, kung lunch break, lunch break. Magkaroon din ng health break na legal naman sa isang kompanya o trabaho (pero siyempre depende sa house rules). Kung masama ang pakiramdam, gamitin ang sick leave.
Kung kailangang magbakasyon para mahimasmasan at alam mong nabe-burnout ka na, gamitin ang vacation leaves, basta magpaalam nang maayos sa boss, dumaan sa tamang proseso at mga kasama sa team para alam nila ang gagawin sa mga trabahong maiiwan mo. At kapag naka-leave ka naman, huwag ka naman isip nang isip sa trabaho mong iniwan. Naka-leave ka nga 'di ba?
6. Matutong humindi o magsabi ng "No." Kung hindi mo kayang tanggapin ang dagdag na trabaho, huwag kang mag-atubiling tumanggi. Mahalagang alagaan mo rin ang iyong sarili at hindi pilitin ang sarili sa labis na trabaho. Ang trabaho, maipapasa iyan sa iba pero ang buhay mo, nag-iisa lang iyan. Hindi ka rin naman maaalagaan ng mga kasama at immediate heads mo kapag nagkasakit ka dahil abala rin sila sa kani-kanilang sariling buhay.
7. Kung kaya, panatilihin ang healthy lifestyle. Ang pagkain ng maayos, regular na ehersisyo, at sapat na tulog ay mahalaga upang mapanatili ang iyong enerhiya at kalusugang pisikal, emosyunal, at mental. Kapag pagod ka sa mga iyan, hindi ka rin magiging produktibo sa trabaho. Ang ending, aabsent ka rin, o baka sa mas malala, maging dahilan ka pa ng kapalpakan.
Sa pamamagitan ng pagbalanse sa trabaho at buhay, maaari mong maiwasan ang pagiging overworked sa trabaho. Hindi naman ibig sabihin nito na magiging pabaya ka. Kaya teh at kuys, kalmahan lang, 'wag magpabida at feeling tagapagmana!