Para kay Vice President Sara Duterte, hindi raw budget ng Office of the Vice President (OVP) ang puntirya ng pagdinig ng House of Representatives kundi gumagawa raw ang panel ng impeachment case laban sa kaniya.
Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability nitong Miyerkules, Setyembre 18, sinabi ni Duterte na gumagawa umano ang Komite ng impeachment case laban sa kaniya.
"Sa totoo lang hindi naman talaga budget ang puntirya ninyo dahil napakadali naman magtanggal ng budget. What you are trying to do is make a case for impeachment. Hindi naman ako kakandidato sa nalalapit na eleksyon. Hindi ako namumulitika. Ang ginagawa ko lamang ay ang aking pagtupad sa aking oath of office at campaign platforms na trabaho, edukasyon, at mapayapang pamumuhay," saad ng bise presidente sa kaniyang opening statement.
"Sinabi ko na noon at ilang beses ko nang inulit na hindi ako ang problema ng bayan na ito. Ang totoong problema ng bayan ay kagutuman, kahirapan, illigal na droga, kriminalidad, terorismo, hindi sapat na healthcare, kalidad ng edukasyon, kawalan ng plano ng imprastraktura para sa disasters, at marami pang iba," dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Duterte na patuloy pa rin daw niyang pagsisilbihan ang mga Pilipino sa kabila ng mga isyu laban sa kaniya.
"So you may try to destroy me. You can skin me alive, burn me, and throw my ashes to the wind. But let it be known: You will find me unbowed. I will continue to serve the Filipino people, no matter the personal cost or political intrigue," anang bise presidente. "Having said that, I will not allow myself to be subjected to an inquiry based on empty privilege speech just so you can attack me and do indirectly what you failed to do directly during the budget hearings."
"I, therefore, request this committee to terminate this inquiry for its clear lack of any proposed legislation or substantive matter for discussion," saad pa ni Duterte.
Matatandaang nauna nang sinabi ng bise presidente na handa siyang magtrabaho kahit walang budget ang OVP.
“Narinig din namin na mayroong defunding. I-defund daw ang Office of the Vice President Budget. Narinig din namin na posibleng piso lang ang ibigay na budget,” saad ni Duterte.
“Handa kami, handa ako sa Office of the Vice President na magtrabaho kahit walang budget. Maliit lang ‘yong opisina namin. Maliit lang ‘yong operations namin kaya kayang-kayang namin na magtrabaho kahit walang budget,” aniya.
BASAHIN: VP Sara Duterte, handang magtrabaho kahit walang budget ang OVP