Iginiit ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo Calugay na “magkaibigan” lang talaga sila ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo matapos ipakita ng mga senador ang ilang mga larawan ng pagsusuot nila ng umano’y “couple shirt” at pagpapalitan nila ng campaign shirts noong 2022 elections.
Sa pagdinig ng Senado nitong martes, Setyembre 17, tinanong ni Senador Risa Hontiveros, chairperson ng Senate, Committee On Women, Children, Family Relations And Gender Equality, si Calugay kung totoo ang sinabi ni Guo noong nakaraang pagdinig na wala silang ibang relasyon kundi pagkakaibigan lang.
“Opo, Madam Chair, kaibigan lang po,” sagot naman ni Liseldo.
Kaugnay nito, inusisa ni Hontiveros si Calugay kung gaano sila ka-close ni Guo, at saka ipinakita ang mga larawan kung saan suot niya ang campaign shirt ng pinatalsik na alkalde at magkasama sila sa isang campaign caravan.
“Bakit nyo po suot ang campaign shirt ni Alice Guo tapos kasama pa siya sa kampanya n’yo rin? Kumbaga, nagsusuotan kayo ng campaign shirt ng isa’t isa at nandoon kayo sa kampanya ng isa’t isa,” ani Hontiveros.
“Magkaibigan lang po kami. ‘Yun pong tshirt po na sinasabi ninyo, binigay po sa akin ‘yan ni Ate Che (staff niya),” sagot naman ni Calugay.
Ipinaliwanag din ng Sual mayor na dumalo lamang umano si Guo sa campaign victory caravan niya noong nakaraang eleksyon dahil una siya nitong inimbitahan bilang kaibigan.
“Yung pong nakasakay ako sa sasakyan, ‘yan po ‘yung motorcade po namin na ininvite ko po siya sa amin dahil ininvite din po ako nong nanalo siya,” saad ni Calugay.
“Ininvite po niya ako noon una, tapos pinaunlakan din po niya ‘yung imbitasyon po natin,” dagdag niya.
Iginiit pa ng alkalde ng Sual na hindi lamang umano si Guo ang kasama niyang politiko noong campaign victory caravan niya.
Samantala, nagpakita rin si Senador Jinggoy Estrada ng dalawang larawan kung saan pareho ang suot nina Calugay at Guo, at tila “couple shirt” umano nila ito.
Pinabulaanan naman muli ito ni Calugay.
Kaugnay nito, maging si Senador Joel Villanueva ay tila hindi kumbinsido sa mga naging sagot ni Calugay hinggil sa relasyon nila ni Guo dahil umano sa mga larawan kung saan magkasama ang mga ito.
“Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa, may relasyon ba kayo ni Alice? Gusto mo ba siya? Gusto ka niya?” muling usisa ni Villanueva.
“Wala pong ganiyan,” sagot ni Calugay.
“Hindi kayo lovers in POGO (Philippine Offshore Gaming Operators)?” tanong muli ni Villanueva.“Hindi po,” sagot naman ng alkalde.
Nang tanungin kung mayroon silang partnership ni Guo, at bank account at negosyo na magkasama, sagot ni Calugay: “Wala po ni isa.”
“MU lang?” hirit mulit ni Villanueva.
“Wala rin po,” sagot ng alkalde.
Matatandaang noong nakaraang pagdinig ng Senado ay iginiit din ni Guo na wala silang relasyon ni Calugay.
Idinadawit si Guo sa ilang mga kaso tulad ng pagkasangkot umano niya sa iligal na POGO sa Bamban.
Kaugnay nito, noong Setyembre 13, 2024 nang irekomenda ng Department of Justice (DOJ) na sampahan na ng kasong qualified human trafficking ang pinatalsik na alkalde.
MAKI-BALITA: Alice Guo, pinakakasuhan na ng DOJ ng 'qualified human trafficking'