Ginugunita ngayong araw ng Linggo, Setyembre 15, 2024 ang International Democracy Day alinsunod sa mandato ng United Nations noong 2007 upang ipagdiwang at itaguyod ang mga prinsipyo ng demokrasya.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang Pandaigdigang Araw ng Demokrasya ay isang pagkakataon upang suriin ang kalagayan ng demokrasya sa buong mundo. Itinuturing ang demokrasya bilang isang proseso at layunin na nangangailangan ng pakikilahok at suporta mula sa pandaigdigang komunidad, pambansang pamahalaan, sibil na lipunan, at mga indibidwal.
Ang mga halaga ng kalayaan, karapatang pantao, at pana-panahong halalan sa pamamagitan ng pangkalahatang pagboto ay mga pangunahing elemento ng demokrasya. Nagbibigay ang demokrasya ng kapaligiran para sa proteksyon at pagpapatupad ng karapatang pantao.
Ang tema ngayong taon ay "Ang Artificial Intelligence bilang Kasangkapan para sa Mabuting Pamamahala", na nakatuon sa pagtiyak ng epektibong pamamahala ng AI sa lahat ng antas, upang magamit ang mga benepisyo nito habang binabawasan ang mga panganib.
Binibigyang-diin ng Secretariat-General ng UN na si Antonio Guterres, ang potensyal ng AI na mapalakas ang pampublikong pakikilahok, pagkakapantay-pantay, seguridad at pag-unlad ng tao, ngunit nagbabala siya sa mga panganib nito kung iiwan itong walang kontrol.
Sa Pilipinas, nakaugat na ang demokrasya magmula pa nang lumaya ito sa mga mananakop na dayuhan.
Makikita ang ebidensya ng demokrasya mula sa kalayaan ng mga mamamayan na pumili at bumoto ng mga pinuno ng bansa.
Ayon sa ulat ng GMA News Online, 38-taon na magmula ng maranasan ng bansa ang demokratikong sistema kung saan may kalayaan ang mga mamamayan na bumoses sa lipunan matapos makalaya sa rehimeng Marcos noong 1987. Bunsod nito, kinikilala rin ng bansa ang ika-25 ng Pebrero bilang araw ng pagsilang ng demokrasya kung saan napatalsik noon si Marcos dahil sa kaniyang Batas-Militar.
Ikaw, naniniwala ka bang makapangyarihan pa rin ang demokrasya sa bansa?
Kate Garcia