Hinikayat ni Pastor Apollo Quiboloy ang kaniyang mga miyembro sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na patuloy lamang na maging “matatag” sa gitna ng mga kasong kaniyang kinahaharap.
Sinabi ito ni Quiboloy nang dumating siya sa Pasig Regional Trial Court (RTC) branch 159 para sa kaniyang arraignment sa kasong human trafficking nitong Biyernes ng umaga, Setyembre 13.
“Tatag lang, tatag lang,” mensahe ng pastor sa kaniyang mga tagasunod.
Kasama ni Quiboloy sa korte ang kaniyang mga kapwa-akusadong sina Cresente Canada, Jackielyn Roy, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes.
Dumating din sa RTC ang umano’y isa sa mga naabuso ng pastor noong menor de edad pa lamang.
Matatandaang noong Setyembre 8, 2024 nang maaresto ng mga awtoridad si Quiboloy matapos ang mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng KOJC.
MAKI-BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga
Nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”