Nagbigay ng pahayag si Senator Risa Hontiveros tungkol sa inaasahang pagharap ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy sa senado.
Sa isang recorded video na inilabas ng opisina ni Hontiveros nitong Miyerkules, Setyembre 11, itatakda umano nila nang maaga ang nasabing pagdinig.
“Itatakda po namin hangga’t maaga ang susunod na pagdinig. Finally, haharap na si Apollo Quiboloy,” saad ni Hontiveros.
“Once matakda namin ‘yong petsa ng susunod na pagdinig kay Apollo Quiboloy dito sa senado, susulat na ‘ko sa nauukol na korte para masiguro na nandito rin siya,” wika niya.
Dagdag pa niya: “Marami kaming itatanong kay Apollo Quiboloy. Kung bakit talaga niya ginawa ang lahat ng ito at paano isinet-up na ‘yong mga taong ni-recruit niya bilang mga nananampalataya sa kaniya at sa kaniyang Kingdom ay sa halip, inabuso niya sa iba’t ibang paraan.”
Matatandaang noong Linggo, Setyembre 8, ay inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na tuluyan na umanong naaresto si Quiboloy.
MAKI-BALITA: 'Nahuli na si Pastor Quiboloy!'—Abalos
Naglabas naman ng pahayag si Hontiveros sa pamamagitan ng isang Facebook post matapos masukol ng mga awtoridad ang pastor.
MAKI-BALITA: Sigaw ni Sen. Risa: 'Mananagot ka, Apollo Quiboloy!'
Samantala, ayon naman sa legal counsel ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon, sumuko umano ang kaniyang kliyente sapagkat ayaw nitong magpatuloy pa ang “lawless violence” na nangyayari sa KOJC compound.
Sa paliwanag naman ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, binigyan umano ang pastor ng ultimatum upang sumuko sa AFP at PNP.
MAKI-BALITA: Abogado, nagsalita kung bakit sumuko kliyenteng si Quiboloy