May nilinaw si newly-elected Asian Volleyball Confederation (AVC) President Ramon “Tats” Suzara tungkol sa paglalaro ni Jaja Santiago para sa national team ng Japan.
Matatandaang noong Agosto 2024 nang ibinahagi ni Jaja Santiago sa kaniyang Instagram account na isa na siyang ganap na Japanese citizen na may Japanese name na Sachi Minowa. Kasunod nito, umugong ang mga balitang opisyal na ring makakalaro sa national team si Jaja.
Samantala, sa isang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum nitong Martes, Setyembre 10, 2024, nilinaw ni Suzara na hindi kailanman maaaring makalaro si Jaja para sa national team ng Japan sa kabila ng kasalukuyan nitong citizenship status.
Paglilinaw ni Suzara, nakasaad umano ito sa bagong International Volleyball Federation (FIVB) na matatagpuan sa Section 5.2.3 ng nasabing rulings.
Ayon sa Section 5.2.3 na naglalaman ng mga kondisyon ng mga manlalarong katulad ni Jaja, isinasaad nito na, “The player has not represented the senior national team of the Federation of the Origin.”
Dagdag pa ni Suzara, si Jaja ay minsan nang lumaro para sa national team ng bansa sa loob ng tatlo hanggang apat na beses.
“Kung hindi naglaro si Jaja sa national team, she can change federations. Madali yun. But since she played, by the record ng FIVB, she cannot change federations anymore.”
“With the new rule, she can never play with Japan.”
Iginiit din ni Suzara na nananatiling bukas ang pintuan ng Alas Pilipinas na siyang kasalukuyang national team ng bansa, kung sakaling naisin ni Jaja na muling lumaro sa bansa.
“She can still play with the Philippines because her federation of origin is the Philippines. Hindi passport ang basehan dito kung hindi federation of origin. So Jaja is still Filipino by nature to play for the national team,” dagdag ni Suzara.
Kate Garcia