Hindi raw nag-almusal si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo bago humarap sa pagdinig sa Senado ngayong Lunes, Setyembre 9, ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Nitong Lunes ng umaga, itinanong ng mga mamamahayag kay Col. Fajardo kung kumusta ang kalagayan ni Guo. Aniya, maayos naman daw ang kalagayan nito ngunit hindi raw ito nag-almusal.
"Si Alice Guo po ay hindi nag-almusal. Okay naman daw po siya, nagtubig lang po siya," anang PNP spokesperson.
Dagdag pa niya, sumakit daw umano ang tiyan ng dating mayor nitong weekend dahil sa "tap water" na ininom nito.
Wala rin naman daw ibang request si Guo. Ang pinagkakaabalahan daw nito ay ang pagbabasa ng libro katulad ng "Purpose Driven Life" at Bibliya.
Kasalukuyan nang nasa Senado si Guo para sa isasagawang hearing ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.