Kasalukuyan pa ring nasa yellow warning level ang Metro Manila base sa 5:00 a.m. Heavy Rainfall Warning ng PAGASA ngayong Huwebes, Setyembre 5, 2024.
Ito ay dahil sa pinalakas na hanging Habagat na nakakaapekto sa ilang lugar sa bansa.
Base sa Heavy Rainfall Warning, nakataas ang orange warning level sa Zambales at Bataan. Ibig sabihin ay makararanas ng 15 mm hanggang 30 mm na buhos ng ulan sa susunod na isang oras at posibleng magkaroon pagbaha.
Bukod sa Metro Manila, nakataas din sa yellow warning level ang Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal at Cavite. Ibig sabihin naman ay bubuhos ang 7.5 mm hanggang 15 mm ng ulan sa susunod na isang oras.
Makararanas naman ng light to moderate with occasional heavy rains ang Quezon province, Laguna, Batangas, at Nueva Ecija sa susunod na tatlong oras.
SAMANTALA, nagsuspinde na ng klase ang ilang lugar sa bansa ngayong Huwebes.