Muli na namang nadagdagan ang nag-uumapaw na cash incentives at rewards ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo matapos siyang pagkalooban ng ₱5 milyon ng DigiPlus at ArenaPlus, nitong Sabado, Agosto 31, sa Cinema 11 ng Gateway Mall 2 sa Cubao, Quezon City.
Ang DigiPlus Interactive Corp., itinuturing na fastest-growing digital entertainment company sa Pilipinas, kasama ang sikat na sports betting app na ArenaPlus, ay magkasamang nagbunyi sa pagkapanalo ni Caloy sa 2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kaniya ng cash gift sa naganap na grand media event, na may titulong "Astig Ka, Carlos!"
Si Carlos ay nagwagi ng dalawang gintong medalya para sa men's vault at men's floor exercise sa men's artistic gymnastics.
Ayon kay Eusebio H. Tanco, Chairman ng DigiPlus, ang tagumpay ni Caloy ay hindi lamang niya tagumpay kundi tagumpay ng lahat ng mga Pilipino; nagsisilbing simbolo ng pag-asa sa lahat ng mga atletang Pilipino na posible at kayang maabot ang mga pangarap na makatapak sa world stage at magpakitang-gilas sa buong mundo.
Nagsimula ang programa sa isang audio-visual presentation na nagpapakita ng ilang mga eksena sa winning moments ni Carlos. Ang nagsilbing host ng programa ay si Sean Kyle Ortega. Pagkatapos, nagbigay ng kaniyang mensahe si Chairman Tangco para kay Caloy.
Pagkatapos, ipinagkaloob na ang tseke at plaque of appreciation kay Carlos kasama si Gymnastics Association of the Philippines President Cynthia Carrion.
Matapos nito, isang video ang ipinapanood kung saan makikita ang mensahe ng mga karaniwang tao mula sa iba't ibang sektor ng lipunan para kay Golden Boy.
Bukod sa paggawa ng cash gift at plake, nagkaroon din ng renewal of contract para kay Caloy at ArenaPlus pata sa pagpapatuloy ng pagsuporta ng kompanya sa kaniyang athletic career.
Sa dulo ng programa ay nagkaroon ng Q&A si Caloy sa mga miyembro ng media.