Hindi umano kakaltasan ng kahit na anumang buwis ang lahat ng cash incentives na nakuha ni two-time Olympic gold medalist at Filipino pride gymnast Carlos Yulo, ayon kay Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo "Jun" Lumagui Jr.
Mababasa sa Facebook post ni Lumagui nitong Agosto 26, sa pagdiriwang ng National Heroes Day, na hindi umano bubuwisan ng BIR ang mga nakuhang pabuya ng atleta, dahil sa pagdadala nito ng hindi lamang isa kundi dalawang karangalan sa bansa, na gumawa ng kasaysayan sa larangan ng pagsali ng Pilipinas sa Olympics.
Ngayong National Heroes Day ay ating... - Romeo "Jun" Lumagui Jr. | Facebook
Aniya, alinsunod ito sa National Internal Revenue Code (NIRC) gayundin sa Republic Act (RA) No. 10699, o “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act."
"Nililinaw ng BIR na hindi kailangan magbayad ni two-time Olympic Gold Medalist Carlos Yulo ng buwis para sa kanyang mga premyo, gantimpala at iba pang mga regalo na kanyang tinanggap mula sa kanyang makasaysayang panalo sa 2024 Paris Olympics."
"Base sa amendment ng National Internal Revenue Code (NIRC) ay maaring tanggapin ni Carlos Yulo ang pera at mga ari-arian ng hindi nagbabayad ng buwis," giit pa ni Lumagui.
"Nakasaad sa Section 32(B)(7)(d) ng NIRC na ang lahat ng premyo at gantimpala ng mga atleta sa local at international sports tournaments sa mga competitions na ginanap sa Pilipinas man o abroad, basta ito ay pinahintulutan ng kani-kanilang mga national sports association ay exempted sa income tax."
"Samakatuwid, lahat ng premyo, gantimpala, at mga regalo na tinanggap ni Yulo mula sa 2024 Paris Olympics Committee pati na rin ang mula sa ating National Government ay hindi mabubuwisan sa bisa ng Republic Act (RA) No. 10699, or the “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act” at ng iba pang batas na aangkop dito."
"Sa Section 32 (B)(3) ng NIRC ay nakasaad na ang halaga ng mga ari-arian na mula sa regalo, pamana, o angkan ay hindi isasama sa gross income ng tatanggap, kaya ito ay exempted sa income tax. Ang mga premyo at regalo (kahit anong uri nito) na galing sa private entities o individuals ay pasok sa exemption na ito. Hindi na kailangan na ideklara ni Yulo ang mga ito bilang bahagi ng kanyang gross income, at hindi niya kailangan magbayad ng income tax."
"Nasa Section 98 rin ng NIRC na ang donee o tatanggap ay hindi liable sa donor’s tax."
"Saludo ang BIR sa ating mga atleta at sa kanilang husay na magsisilbing inspirasyon sa bawat Pilipino at sa susunod pang henerasyon," anang BIR commissioner.
MAKI-BALITA: Bukod sa medalya: Nag-uumapaw na 'ginintuang premyo,' naghihintay kay Carlos Yulo