November 22, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: 10 pelikulang Pilipinong may wildest sex scenes

BALITAnaw: 10 pelikulang Pilipinong may wildest sex scenes

Noong Hunyo 25, inilabas ng Viva Films ang official movie poster ng ng “Unang Tikim,” pelikula ni Roman Perez, Jr. na pinagbibidahan nina Vivamax sexy actress na sina Rob Guinto at Angeli Khang.

Ito ang kauna-unahang pelikula na ipinalabas sa mga sinehan sa buong bansa noong Agosto 7. Dati kasi ay sa online application na Vivamax lamang inilulunsad ng Viva Films ang kanilang mga adult movie.

At dahil nga isang adult film ang “Unang Tikim,” nabigyan ito ng “double X” na rating mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Gayunman, handa raw ang direktor ng pelikula sa rating na natanggap mula sa nasabing ahensya.

“Walang double X noon. First time. Nagulat nga raw ang mga taga-MTRCB. Ano raw ang nangyayari? Pero ready ako sa ibang cuts. Pag binawal nila ito, may iba akong ilalagay," saad ni Perez, Jr. sa isang panayam.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang ika-11 taong paggunita sa pagtama ng bagyong Yolanda

Patunay lamang ito na makalipas ang ilang taon, tila muling binubuhay ang mga bomba/sexy/bold movies na napapanood sa mga sinehan na “nagpatangkad” sa karamihan ng kalalakihan noon. Kaya balikan ang 10 “pelikulang bumuhay sa libido” ng mga manonood noon. 

1. “Scorpio Nights” ni Peque Gallaga (1985)

Pinatunayan ni Gallaga sa “Scorpio Nights” na ang pelikulang erotiko o sekswal ay pwede ring maging lunsaran ng panlipunang komentaryo. Kuwento ito tungkol sa college student na si Danny (Daniel Fernando) na binobosohan ang asawa ng isang security guard (Anna Marie Gutierrez) sa multiapartment na tinutuluyan nila. 

Isang gabing maulan, nangahas pumasok si Danny sa kwarto ng misis ng security guard. Ang dating tinatanaw niya lang sa wakas ay nakaulayaw niya. Hanggang sa naulit nang naulit ang pagpuslit ni Danny. Naging obsesyon. Basta may pagkakataon, hindi tinitigilan. Pero alam naman natin na lahat ng sobra, masama. 

Sa bandang huli ng pelikula, nahuli ng sekyu (Orestes Ojeda) si Danny at ang asawa nito na may milagrong ginagawa. Kaya binaril niya ang dalawa. Pagkatapos, nagsarili muna siya at "ginalaw" ang naghihingalong misis. Nang maisakaturapan ang nais, binaril niya ang kaniyang sarili.

2. “Patikim ng Pinya” ni Abbo Dela Cruz (1996)

Tampok sa pelikulang “Patikim ng Pinya” ang kuwento ni Myra (Rosanna Roces), may-ari ng plantasyon ng pinya na ginagamit ang kaniyang ganda para ilako ang kaniyang produkto. 

Isang gabi, habang minamaneho ang owner-type jeep kasama ang kaniyang tiyuhin (Dencio Padilla), nabangga niya si Kadyot (Leandro Baldemor) na naging dahilan para mawala ang alaala nito. At para makaligtas sa pananagutan mula sa batas, pinaniwala niya ang lalaki na mag-asawa sila.

Kaya sa loob ng ilang panahon ng kanilang pagsasama, ginawa nila ang kung anomang ginagawa ng mag-asawa gaya ng pagtatalik. Pero sa pagitan nito ay palihim na nakikihati kay Kadyot ang nakababatang kapatid ni Myra na si Loretta (Natasha Ledesma).

3. “Scorpio Nights 2” ni Erika Matti (1999)

Isa sa mga palatandaan na matagumpay ang pelikula kapag nasundan ito. At ganito ang nangyari sa Scorpio Nights. Nagkaroon ng sequel. 

Pero sa pagkakataong ito, iba na ang kuwento. Tungkol sa isang physics professor na si Andrew (Albert Martinez) at sa estudyante niyang si Valerie (Joyce Jimenez) na isang sexually adventurous. Iba na rin ang direktor ng pelikula. Si Erik Matti na. 

Gayunman, ang elemento ng erotismo, nandoon pa rin. Hindi nagbago. Lalo pa ngang naging mapangahas at kontrobersyal kung tutuusin. Dahil kung ang mga sekswal na gawain sa unang Scorpio Nights ay sa kwarto lang ginagawa ng mga karakter—na karaniwan lang naman, dito sa sequel ay sa loob na mismo ng paaralan.

4. “Anakan Mo Ako” ni Humilde Roxas (1999)

Kaiba sa mga lugar na ginagalawan ng mga karakter sa mga nabanggit na pelikula sa listahang ito ang lugar sa “Anakan mo ako” ni Roxas. Malayo sa siyudad at kabihasnan. 

Kaya naman ang mga sekswal na eksena ay matutunghayang ginagawa sa iba’t ibang bahagi ng kagubatan. Minsan ay sa talon o kaya ay sa ilalim ng puno sa isang bundok.

Itinatampok sa pelikulang ito ang kuwento ng isang tribu na pinangingibabawan ng dalawang lalaki at ang ibang miyembro ay puro babae na. Dahil papaubos na ang lipi ng nasabing tribu, kinakailangang maanakan na ng pinuno ang kinakasama nito. Pero hindi sila makabuo. 

At ayon sa kanilang batas, hangga’t hindi nabubuntis ng pinuno ang kinakasama nito, hindi siya maaaring sumiping sa iba.

5. “Talong” ni Mauro Gia Samonte (1999)

Matutunghayan sa “Talong” ang mala-Cinderellang kuwento. Pero sa pelikulang ito, hindi lalaki ang maghahanap ng pag-ibig kundi babae. At hindi rin sapatos ang ibabalik kundi talong.

Nakasentro ang kuwento ng pelikula kay Tiffany (Nini Jacinto), isang batang artist na hindi pa talaga alam ang gusto sa buhay. Pinipilit lang kasi siya ng lolo niya na ipagpatuloy ang tradisyon ng pagpipinta sa kanilang pamilya kahit hindi niya sigurado sa sarili kung gusto ba niya ang ginagawa.

Subalit magbabago ang lahat nang makilala ni Tifanny ang magsasakang si Edong (Leonardo Litton). Nagkaroon siya ng inspirasyon para lumikha. At higit sa lahat, natamnan na rin ng “talong” ang tigang niyang “lupa.”

6. “Live Show” ni Jose Javier Reyes (2000)

Kontrobersiyal ang “Live Show” ni Reyes— na ang orihinal na pamagat ay “Toro”—dahil umabot sa puntong ipinaban ito ng MTRCB noong 2001.

"I saw ‘Live Show’ yesterday. I was literally shocked and I’m not a prude. I’ve been all over the world. I know it’s (nothing but) pornography for pornography’s sake,” saad umano ni dating MTRCB chairman Alejandro Roces sa nasabing pelikula ni Reyes.

Itinatampok sa “Live Show” ang kuwento ni Rolly (Paolo Rivero) at ng tatlo niyang kaibigan na kumikita sa pamamagitan ng pakikipagtalik.

7. “Kapag ang palay naging bigas…may bumayo” ni Roland Ledesma (2002)

Sa unang eksena pa lang, ipinakikilala na agad ng pelikula na hindi inosente ang titulo nito. Habang ipinapakita ang pagbayo ni Maita (Lara Morena) sa palay para maging bigas, sumusulpot din ang pira-pirasong eksena ng pakikipaglampungan ni Carmina (Rose Valencia) sa nobyo nito sa ilalim ng puno.

8. “Gamitan” ni Quark Henares (2002)

Napagdiskitahan ng basketball superstar na si Nick (Wendell Ramos) ang inosenteng freshman na si Cathy (Maui Taylor). Isang araw, niyaya niya itong mag-dinner. Pumayag naman si Cathy dahil crush na crush siya nito. Kaya madali rin niyang nakuha ang gusto niya sa dalaga—ang virginity ni Cathy. Dumalas ang mga labas nila. Unti-unti ay bumigay si Cathy. Nagsimula sa pahalik-halik hanggang sa naging mapusok na siya.

At pagkatapos niyon, iniwan na ni Nick si Cathy dahil isang laro lang naman ang lahat. Bahagi ng pustahan nilang magkakabarkada para mapatunayang kaya ring makaiskor ni Nick sa mga tulad ni Cathy na hindi easy to get. 

Pero ‘yon ang malaking pagkakamali ni Nick. Dahil nasaktahan, hindi pumayag si Cathy na hindi makakaganti. 

9. “Liberated” ni Marc Alejandre (2003)

Itinatampok sa “Liberated” ang kuwento ng mga magkakaibigang sexually liberated lalo na ni Pauline (Diana Zubiri) na kung sino-sinong lalaki ang tumitikim at kung saan-saan ginagawa. Sa carwash, sa madilim na eskinita, o minsa’y kahit sa kwarto lang. 

Ngunit sa kabila nito, hinahanap-hanap pa rin ni Pauline ang sarap na ibinigay ng dati niyang jowa si Tony (Christian Vasquez), na kasalukuyang jowa ng kaniyang kaibigang si Trixie (Francine Prieto). 

10. “Siphayo” ni Joel Lamangan (2016)

Nakasentro ang kuwento ng “Siphayo” sa mag-aamang sina Dante (Alan Paule), Conrado (Adrian Alandy), at Rolando (Joem Bascon). Nag-ugat ang kanilang tunggalian simula nang dalhin ng kanilang ama sa bahay nila ang kabit nitong si Alice (Natalie Hart) pagkatapos mamatay ng kanilang ina.

Lalong tumindi ang tensyon sa pagitan ng mag-aama nang unti-unting ipinapakita na salit-salitang tinitikman ng dalawang anak ni Dante si Alice.

Pero kung may pinakamainit mang eksena sa pelikula, iyon ay matutunghayan sa huling bahagi—ang kangkangan nina Rolando at Alice sa maisan.  

MAKI-BALITA: 'Unang Tikim' ng Vivamax sa mga sinehan, nakatikim ng double X rating sa MTRCB