Inalmahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang naging patutsada ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel na mga ordinaryong tao lamang umano ang kayang hulihin ng Philippine National Police (PNP) at hindi mga “big personality” tulad nina Pastor Apollo Quiboloy at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa nangyaring 2025 budget deliberation ng ahensya nitong Huwebes, Agosto 15, na inulat ng Manila Bulletin, iginiit ni Abalos na hahanapin daw nila ang sinumang lumabag sa batas, kahit na malaking tao pa ang mga ito.
"Maski sino po, hahanapin po namin," ani Abalos.
Sinabi ito ng DILG chief matapos igiit ni Manuel sa nangyaring proceedings na tila hirap na hirap umano ang PNP na arestuhin ang malalaking personalidad tulad nina Quiboloy at Guo.
"Kapag mga big personalities talaga eh parang ang hirap hirap na arestuhin ng PNP. Kapag ordinaryong tao, ang dali lang hulihin tsaka maging biktima pa ng red-tagging na nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon," ani Manuel.
"I would just like to place it on record, na hindi po kami ganun. As far as Quiboloy is concerned and the others, ginagawa namin," sagot naman ni Abalos.
"In fact, dinemanda po kami on record. Nakademanda po ako ngayon, ang PNP dahil sa pag-raid po namin sa [KOJC].”
"And we are going answer these accusations against us. That's for the record. Hindi po kami ganun," saad pa niya.
Ang DILG ang nangangasiwa sa PNP, na pinamumunuan naman ni General Rommel Marbil.
Kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa kasong “ANTI-TRAFFICKING IN PERSONS ACT OF 2003 (RA9208 AS AMENDED BY RA 10364), REPUBLIC ACT 7610 (SPECIAL PROTECTION OF CHILDREN AGAINST ABUSE, EXPLOITATION, AND DISCRIMINATION ACT), AND CONTEMPT OF COURT.”
Kamakailan lamang ay ipinag-utos ng Court of Appeals (CA) na i-freeze ang kaniyang mga bank account at ari-arian.
MAKI-BALITA: CA, pina-freeze bank accounts, properties ni Quiboloy
Samantala, idinadawit naman si Guo sa na-raid na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Bamban, at pinagsususpetsahang din siiyang isa umanong Chinese national.
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Kamakailan lamang naman ay tinanggal na ng Ombudsman si Guo mula sa pagiging alkalde ng Bamban matapos itong hatulang “guilty” ng grave misconduct.
MAKI-BALITA: Alice Guo, tinanggal na sa pagiging mayor ng Bamban, Tarlac
Habang sinusulat ito’y hindi pa natutunton ng mga awtoridad kung nasaan sina Quiboloy at Guo.