December 23, 2024

Home BALITA Metro

One-stop-shop para sa mabilis at accessible na government services, inilunsad sa Marikina

One-stop-shop para sa mabilis at accessible na government services, inilunsad sa Marikina
photo courtesy: Marikina PIO

Upang higit pang mailapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan ng Marikina, inilunsad ng tanggapan ni Marikina First District Representative Maan Teodoro, sa koordinasyon ng local government unit (LGU), ang isang one-stop-shop para sa iba’t ibang government services sa Marikina Sports Center (MSC).

Ang naturang one-stop-shop na tinawag na “Maasahan Todo-Serbisyo Caravan” ay naging posible sa pamamagitan ng inisyatiba ni Cong. Maan.

Layunin nitong mabigyan ang mga residente ng mabilis at madaling paraan ng pagproseso ng mga dokumento sa iba’t ibang institusyon ng pamahalaan.

Nabatid na kabilang naman sa mga ahensiya ng pamahalaan na lumahok sa naturang one-stop-shop ay ang Philippine Statistics Authority (PSA), Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Public Attorney’s Office (PAO), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), Pag-IBIG Fund, Philippine Identification System (PhilSys), at PhilHealth.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ayon kay Cong. Maan, para sa SSS, kabilang sa mga serbisyong available ay SSS number issuance; pag-update ng member data; registrations; payments; at assistance para sa Online Loan Applications (Salary Loan, Pension Loan, Loan Restructuring, Disbursement Account, and Benefits Claim).

Para naman sa GSIS, available ang mga serbisyo gaya ng membership, claim, loan inquiry, at verification.

Ang mga serbisyo namang available para sa PAGIBIG ay member registration, verification at updating ng records; filing ng loans, MP2 enrollment; issuance ng loyalty cards, at iba pa.

Samantala, nakiisa rin naman ang PNP na nagkaloob ng police clearance at consultations, habang ang PAO ay nag-alok naman ng libreng legal consultations.

Ang PhilHealth, LTO, at PSA ay nag-alok rin naman aniya ng pagproseso sa mga kinakailangang dokumento ng mga residente.

“Nag-imbita po tayo ng mga national government agencies para maging one-stop shop para sa pagproseso at pagkuha ng mga dokumento o requirements,” ayon kay Cong. Maan. “Gusto po namin ni Mayor Marcy (Teodoro) na matulungan ang lahat na mapadali ang pagproseso sa mga government requirements.”

Sa kanyang panig, nagpasalamat naman si Mayor Marcy sa mga ahensiya ng pamahalaan na lumahok sa one-stop shop.

Nangako rin siya na patuloy na maghahatid sa mga residente ng accessible na government services.

Ani Cong. Maan, ang one-stop shop ay bukas mula 8:00AM hanggang 5:00PM at pinapayagan rin ang mga walk-ins.