November 05, 2024

Home SPORTS

Angelica Yulo sa sambayanan: 'Ipagdiwang na lang natin tagumpay ng anak ko!'

Angelica Yulo sa sambayanan: 'Ipagdiwang na lang natin tagumpay ng anak ko!'
Photo courtesy: Arnold Quizol (MB)/Screenshot from Carlos Yulo (TikTok)

Humingi na ng tawad ang ina ni Filipino gymnast Carlos Yulo na si Angelica Yulo sa kaniyang anak, matapos ang mga kontrobersiyang bumabalot sa kanila, kaugnay sa usaping pera at love life.

Nagsasagawa ng isang press conference ang kampo ni Angelica kasama ang legal counsel ngayong araw ng Miyerkules, Agosto 7 sa isang hotel sa Maynila, para tuldukan na ang mga isyung ipinupukol sa kanilang mag-ina, lalo't nagsalita na rin ang anak nitong Martes, Agosto 6 sa pamamagitan ng TikTok video kasama ang kasintahang si Chloe San Jose.

Paglilinaw ni Angelica, kaya siya nagsasalita at nagsagawa ng presscon ay upang magbigay ng huling pananalita at upang matuldukan na ang isyu ng girian nila ng anak at ng GF nitong si Chloe San Jose.

Sa kabuuan ng binasang letter ng ina, sinabi niyang bukas ang kaniyang pintuan para sa anak upang pag-usapan nila ang mga isyu nila sa kanilang pamilya.

Tatay kay Karl Eldrew: 'Tahimik mong ipanalo mga pangarap mo, dito kami ng Mama mo!'

Humingi rin siya ng tawad sa mga nasabi laban kay Caloy sa mga panayam, dahil ang totoo raw, pagod at puyat daw siya dahil sa kakanood ng laban ng anak, at hindi na raw siya nakapag-isip ng tama sa mga rapidong tanong sa kaniya ng reporters.

Hindi na raw mababawi ang mga salita at pahayag na nasabi na, subalit bukas daw siya at ang mister para makipagdayalogo kay Carlos kapag umuwi na ito sa Pilipinas.

Kung hindi man daw sila magkaayos ngayon, sana raw ay dumating ang panahong mas maunawaan ng anak ang kaniyang intensyon at hindi ang anumang ingay.

Nagbigay rin ng mensahe ang ina sa sambayanan at nakiusap na ipagdiwang na lamang ang panalo ng anak sa Olympics, kaysa pagpiyestahan ang kanilang mga isyung pampamilya.

"At sa sambayanan, sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa. Lahat tayo ay magpapasalamat kay Caloy para sa karangalan, iuuwi para sa bayan."

"Sana pagkatapos ng panayam na ito, titigil na ang lahat at mananahimik na ang bawat partido," dagdag pa niya. "Ang mga sugat ay kusa namang maghihilom sa paglipas ng panahon. Pero piliin naming humilom kami sa pribado at mapayapang pamamaraan."

Sa huli, nagpaabot pa rin siya ng pagbati sa anak at sinabing mahal niya ito.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Carlos patungkol sa mga naging pahayag ng kampo ng ina.

MAKI-BALITA: 'Patawad anak!' Angelica Yulo, bukas ang pintuan kay Carlos para pag-usapan mga isyu

MAKI-BALITA: Angelica Yulo sa pagpuna sa jowa ng anak: 'Ina lang ako na nag-aalala'