Pagkakalooban ng lokal na pamahalaan ng Maynila si Filipino gymnast Carlos Yulo ng ₱2 milyon habang ₱500,000 naman kay Filipino pole vaulter EJ Obiena dahil sa kanilang naiuwing karangalan matapos sumabak sa Paris Olympics 2024.
Inanunsyo ito ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes, Agosto 6, sa kaniyang opisyal na Facebook account.
“Congratulations sa ating Manileño gymnast from Malate, Carlos Edriel Yulo, sa pagkamit ng hindi lamang isa, kun'di DALAWANG GOLD MEDAL sa #ParisOlympics! Sa iyong pagbalik dito sa lungsod ay aming ibabahagi ang 2 million pesos na gantimpala bilang pagkilala sa iyong angking galing sa gymnastics,” ani Lacuna.
“Hindi matatawaran ang iyong pagod at hirap na dinanas mo upang makamit ang tagumpay na iyong natanggap. Lagi mong tatandaan na nandito ang iyong tahanan, ang Lungsod ng Maynila, lagi sa iyong likod, handang tumulong sa iyong paglalakbay tungo sa iyong tagumpay.
Ikaw ay bahagi na ng makulay na kasaysayan ng Lungsod ng Maynila at ng buong bansa. Maraming salamat sa pagdala at pagwagayway ng bandila ng Pilipinas sa buong mundo. Mabuhay ka, Caloy,” dagdag niya.
Matatandaang nakuha ni Yulo ang dalawang gintong medalya sa Paris Olympics matapos niyang maging kampeon sa floor exercise at sa vault finals ng men's artistic gymnastics.
BASAHIN: The Golden Boy: Si Carlos Yulo at kaniyang dalawang gintong medalya
Samantala, sinabi rin ni Lacuna na maging si Obiena, na mula naman sa Tondo, ay pagkakalooban nila ng kalahating milyon para sa ipinakita niyang galing sa larangan ng pole vaulter.
“Siyempre naman po ay hindi natin makakalimutan ang ating best pole vaulter in Southeast Asia, walang iba kun'di ang sariling atin mula sa Tondo, Ernest John "EJ" Obiena! Hindi mapagkakaila ang inyong angkinging galing sa iyong larangan. Kung kaya't sa iyong pagbalik sa lungsod ay aming taos pusong ihahandog ang 500,000 pesos reward para sa iyong pagsisikap upang dalhin ang bandila ng Pilipinas sa buong mundo,” ani Lacuna.
“Ang Lungsod ng Maynila ay saludo sa iyo, EJ! Maraming salamat sa pagmamahal na iyong ibinibigay sa bansa. Mabuhay ka, EJ!” saad pa niya.
Matatandaan namang naging-rank 4 si Obiena sa finals ng pole vault ng Paris Olympics.
BASAHIN: 'I came short, I'm sorry!' EJ Obiena, emosyunal matapos mag-landing sa rank 4 ng vault finals