Hindi matatawaran ang kasaysayang iginuhit ni Carlos Yulo para sa Pilipinas sa larangan ng sports matapos niyang mag-uwi ng hindi lang isa, kundi dalawang gintong medalya sa Paris Olympics na nilahukan ng iba’t ibang mga bansa sa buong mundo.
Sa edad lamang na 24-anyos, nakipagsabayan si Carlos Edriel Yulo, kilala rin bilang Caloy, sa larangan ng gymnastics sa nagpapatuloy na 2024 Paris Olympics.
Nito lamang Sabado, Agosto 3, nang masungkit ni Yulo ang kauna-unahang ginto sa Olympics nang manguna siya sa floor exercise ng men's artistic gymnastics sa puntos na 15.000.
Ipinagbunyi ito ng mga Pilipino hindi lamang dahil ito ang unang medalya ng Pilipinas sa naturang patimpalak ngayong taon, kundi dahil ang gintong nakuha ni Yulo ang ikalawang ginto ng bansa sa buong kasaysayan ng Olympics.
Ang Pinoy weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang nakapagkamit ng ginto sa Philippine history noong 2020 Tokyo Olympics, kaya naman isang malaking pagdiriwang na muling makapagkamit ang Pilipinas ng gold sa prestihiyosong sports competition.
Ngunit hindi pa man humuhupa ang selebrasyon ng mga Pinoy sa nakuha ni Yulo sa floor exercise ng men's artistic gymnastics, nito lamang Linggo ng gabi, Agosto 4, ay muli niyang itinayo ang bandila ng Pilipinas matapos muling maging kampeon, at sa puntong ito’y sa vault finals naman ng men's artistic gymnastics.
Nakapagtala si Yulo ng 15.116 puntos sa vault finals, kaya’t siya muli ang nakakuha ng ginto at naging dahilan kaya’t muling narinig sa podium ang pambansang awit ng Pilipinas na “Lupang Hinirang.”
Si Yulo ang kauna-unahang Filipino athlete na nanalo ng dalawang medalya sa Olympics, at ang mas nagpamangha pa sa mga tagasubaybay ay sa iisang Olympics edition lang niya ito nagawa!
Salamat sa pagtayo ng bandila ng Pilipinas sa mundo ng sports, Caloy!
Pagbati sa iyong tagumpay. Isa kang tunay na Pinoy pride!