Dalawang low pressure area (LPA) sa loob at labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Lunes, Agosto 5.
Sa public weather forecast ng PAGASA dakong 4:00 ng madaling araw, inulat ni Weather Specialist Obet Badrina na huling namataan ang LPA sa loob ng PAR 1,155 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, habang nasa silangang bahagi naman daw ng Luzon ang LPA sa labas ng PAR.
“Sa ngayon itong dalawang LPA na ito, hindi pa natin inaasahang magiging bagyo at least base sa pinakahuling datos natin na nakalap,” ani Badrina.
Samantala, hindi pa rin naman daw inaalis ng PAGASA ang posibilidad na maging bagyo ang naturang LPA sa mga susunod na araw.
Sa ngayon ay wala naman umanong direktang epekto ang naturang mga LPA sa alinmang bahagi ng bansa.
Ayon pa kay Badrina, ang southwest monsoon o habagat ang kasalukuyan nakaaapekto sa malaking bahagi ng bansa at inaasahang magdadala ito ng mga kalat-kalat na pag-ulan, partikular na sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Palawan, Western Visayas, Negros Island Region, at Central Visayas.
Bukod dito, malaki rin ang tsansang magdulot ang habagat ng mga pulo-pulong pag-ulan sa Mindanao, Cavite, Batangas, at mga natitirang bahagi ng MIMAROPA at Visayas.
Samantala, ayon sa PAGASA, maaari ring makaranas ng mga pulo-pulong pag-ulan ang Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon dahil naman sa localized thunderstorms.