Inihayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mas marami pa rin ang bilang ng bodyguards ni Vice President Sara Duterte kaysa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kahit pa nalagasan ito ng 75 security escorts.
Sa isang media forum nitong Huwebes, Agosto 1, na inulat ng ABS-CBN News, sinabi ni Remulla na kahit na-relieve ang 75 Philippine National Police (PNP) Police and Security Group ni Duterte ay mayroon pa rin daw itong 300 bodyguards.
“I don’t think it’s a bad matter to recall some of the personnel and she still has 300 bodyguards, bigger than the President’s security,” ani Remulla.
Samantala, hindi naman na binanggit ng kalihim ng DOJ kung ilan ang security detail ni Marcos.
Matatandaang noong Hulyo 23, 2024 nang kumpirmahin ni Duterte na naglabas ng order si PNP chief Rommel Marbil kung saan ni-relieve ang lahat ng 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.
MAKI-BALITA: VP Sara, kinumpirma pag-relieve ng 75 personnel na itinalaga para sa proteksyon niya
Noon lamang namang Lunes, Hulyo 29, nang maglabas si Duterte ng 4-page open letter para kay Marbil kung saan tinalakay niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pagbawi ng security team ng Office of the Vice President (OVP).
MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'
Samantala, hindi sinagot ni Marbil ang naturang “open letter” ng bise presidente dahil mas pinili na lamang daw niyang magtrabaho at tutukan ang pangangailangan ng mga pulis.
MAKI-BALITA: PNP chief Marbil, mas pinili raw magtrabaho kaysa sagutin 'open letter' ni VP Sara