Kaysa sagutin ang “open letter” ni Vice President Sara Duterte, mas pinili na lamang daw ni Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil na magtrabaho at tutukan ang pangangailangan ng mga pulis.
Sa isang press conference nitong Martes, Hulyo 30, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na naging abala si Marbil sa pagtulong sa mga pulis na naapektuhan ng bagyong Carina.
“Yung ating Chief PNP po ay mas pinili na lamang po munang magtrabaho. In fact, over the weekend ay kasama ko po mismo ‘yung ating Chief PNP. Nag-ikot po tayo doon sa mga PNP personnel natin na naapektuhan ng bagyo,” aniya.
“‘Yun po ‘yung pinagka-busy-han po ng ating Chief PNP over the weekend. Nagpahatid po tayo ng tulong sa mga pulis nating naapektuhan, particularly sa Region III.”
Samantala, nito naman daw Lunes, Hulyo 29, ay nagtungo sina Marbil sa CALABARZON upang kumustahin ang dalawang pulis na nabaril sa gitna ng isinagawang police operation.
“Dinalaw po niya mismo ‘yan at personal po niyang kinumusta ‘yung kalagayan po ng ating mga pulis pati po ‘yung pamilya at nagpahatid po ng tulong,” ani Fajardo.
“Ito po ngayon ‘yung pinagkakaabalahan ng ating Chief PNP, at mas pinili na lamang po niyang tutukan ito pong mga pangangailangan po ng ating mga pulis at huwag na pong sagutin kung ano po ‘yung mga isyu na hinaharap ng ating bansa."
Matatandaang nito lamang ding Lunes nang maglabas si Duterte ng 4-page open letter para kay Marbil kung saan tinalakay niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pag-relieve ng 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.
MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee, nanawagang ibalik security escorts ni VP Sara: 'At sino naman 'yang si Marbil?'