Kinukumbinse umanong tumakbo bilang congressman si Kapamilya actor Gerald Anderson matapos nitong maispatang tumutulong sa pagligtas sa isang pamilyang na-trap sa loob mismo ng bahay sa Quezon City.
Sa isang episode ng “Cristy Ferminute” kamakailan, sinabi ni showbiz columnist Cristy Fermin na marami raw nagtutulak kay Gerald na pasukin ang politika matapos ang ginawa nito noong manalasa ang habagat at bagyong Carina.
“Ang daming natutulak kay Gerald Anderson para tumakbong congressman sa susunod na midterm elections. Next year. Kasi nga nakikitaan siya ng magandang senyales ng pagiging mahusay na politiko,” saad ni Cristy.
Dagdag pa ng showbiz columnist: “Naalala ko ‘yong isang panayam ni Gerald Anderson. Sabi nya: ‘I never wanted to become a star. I wanted to be a good actor.’ Gene Hackman. Si Gene Hackman ang nasabi niyan. At pinatutunayan naman ni Gerald Anderson na mayro’n siyang ipapakita talaga.”
Matatandaang umani ng papuri mula sa mga netizen ang ginawang ito ni Gerald sa ilang biktima ni Carina. Hindi rin kasi ito ang unang beses na tumulong si Gerald sa mga naapektuhan ng bagyo. Minsan na ring kumalat ang mga larawan niya ng pagsagip noong kasagsagan ng bagyong Ondoy.
MAKI-BALITA: Gerald Anderson, lumusong sa baha para tumulong sa rescue