November 26, 2024

Home BALITA National

LP sa SONA ni PBBM: 'Marami pang pagkukulang na kailangang punuan'

LP sa SONA ni PBBM: 'Marami pang pagkukulang na kailangang punuan'
Photo Courtesy: Liberal Party of the Philippines, Bongbong Marcos (FB)

Nagbigay ng pahayag ang Liberal Party kaugnay sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos noong Lunes, Hulyo 22.

Sa X post ni Atty. Leila De Lima nitong Martes, Hulyo 23, sinabi ng LP na bagama’t marami umanong kapuri-puri sa SONA ng pangulo, hindi maitatangging marami pa rin daw pagkukulang na kailangang punuan dito.“Maraming kapuri-puri sa pinakahuling SONA ni Pangulong Bongbong Marcos, pero sa punto de bista ng mga kababayan nating matagal nang napabayaan at napag-iwanan, marami pang pagkukulang ang kailangang punuan,” pahayag ng partido.

Pangunahin na umano rito ang kawalan ng malinaw na plano upang patibayin ang disaster preparedness, at tugunan ang nagbabagong klima dahil hindi naman umano lingid sa kaalaman ng marami na mahigit dalawampung bagyo ang tumatama taon-taon.

Hindi rin umano puwedeng piliin lamang ang pinakamatagumpay na produkto ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas at gawing patunay na natutugunan na ang krisis sa sektor na ito.

National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

Anila: “Madali ang mangako, pero kung walang plano para sa sustainable na mapagkukunan ng pondo, mananatiling band-aid ang mga ibinabanderang solusyon.”

Gayundin, pinuri rin nila ang pamamahagi ng mga nakumpiskang smuggled goods sa mahihirap na komunidad. Pero ayon sa partido mas mainam umano kung papanagutin mismo ang mga smuggler at tiwaling opisyal na nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.

Isa rin umanong magandang balita ang pagbabawal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas at ang pangakong tulong sa mga maaapektuhan nito ngunit nananatili pa rin umano ang isyu ng mga ilegal na aktibidad kaugnay nito tulad ng human trafficking at extortion.

“Kailangan ding tandaan na may mga online na anyo ang mga ilegal na pagsusugal at mapanlinlang na pagpapautang, na agresibong tumatarget sa mga bulnerable nating kababayan,” saad nila.

Dagdag pa ng partido: “Wala ring nabanggit tungkol sa tindig ng administrasyon sa SOGIE Bill at Divorce Bill, na malaking ginhawa sana lalo na sa ating LGBTQIA+ community, at sa mga nakapiit sa mga mapang-abuso at problematikong relasyon.”

Dahil sa huli, anila, anomang problemang kinakaharap ng bansa, higit itong nararamdaman ng mga Pilipinong nasa laylayan ng lipunan.

Kaya kailangan umano ng malinaw na paglalatag ng mga plano at kongkretong pagkilos at hindi mga soundbite tungkol sa mga pansamantalang solusyon.