Nagpaabot ng pagbati si Senador Win Gatchalian kay Senador Risa Hontiveros na tinawag niyang “hardworking and fearless colleague” matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-ban ng lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa Pilipinas.
Matatandaang inanunsyo ni Marcos sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, Hulyo 22, na simula sa araw na iyon ay ipinagbabawal na ang POGO sa bansa.
MAKI-BALITA: PBBM, idineklara pag-ban ng lahat ng POGO sa PH
Kaugnay nito, sa isang X post nitong Martes, Hulyo 23, ay ipinahayag ni Gatchalian na nasagot na umano ang kanilang dasal ni Hontiveros.
“Congratulations to my hardworking and fearless colleague - @risahontiveros, our prayers were finally answered - POGOs are banned!” ani Gatchalian.
“Thank you Mr. President.
Let's finally restore peace and order in our country,” dagdag pa niya.
Sina Hontiveros at Gatchalian ang kasalukuyang nangunguna sa imbestigasyon sa POGO, kung saan naging mas naging usap-usapan ito dahil sa pagkakasangkot din ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na pinagsususpetsahang isa umanong Chinese national.
Matatandaang noong Hunyo 18, 2024 ay inilabas ni Gatchalian ang isang dokumento na nagsasabing may posibilidad umanong “Guo Hua Ping” ang tunay na pangalan ni Guo.
MAKI-BALITA: Mayor Alice Guo, may tunay nga bang pangalan na ‘Guo Hua Ping’?
Pagkatapos nito, Hunyo 27, 2024 nang isiwalat ni Senador Risa Hontiveros na kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI) na iisa lamang si Guo at ang Chinese national na si “Guo Hua Ping.”
MAKI-BALITA: NBI, kinumpirmang iisa lang si Alice Guo at Guo Hua Ping -- Hontiveros
Noong lamang namang Sabado, Hulyo 13, nang maglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig ng Senate committee noong Hunyo 26, 2024 at Hulyo 10, 2024, kaugnay ng na-raid na POGO hub sa Bamban.
Bukod sa suspendidong alkalde ay inihain din ang arrest order laban kina Dennis Cunanan, Nancy Gamo, Sheila Guo, Wesley Gui, Jian Zhong Go, Seimen Guo, at Wenyi Lin.
MAKI-BALITA: Senado, naglabas na ng arrest order vs Alice Guo